Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 16, 2019 – MIYERKULES SA IKA-28 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 11:42-46

Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan n’yo naman ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto n’yong mabigyan ng pangunahing upuan sa sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at hindi man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan n’yo ang mga napakabibigat na pasanin, at hindi man lang n’yo hinihipo ang pasanin ng kahit isang daliri.”

PAGNINILAY:

Mas kapanipaniwala ang isang tao kung siya ay totoo; una sa kanyang sarili at sa harapan ng kanyang kapwa. Dito rin natin nasusukat ang kanyang kalooban kung totoo siya sa kanyang salita at gawa. Ito ang mensahe ng Ebanghelyo sa araw na ito hango kay San Lukas, kung saan pinuna ni Hesus ang mga pariseo sa dahilang hindi nakikita sa kanilang gawa ang kanilang pananalita. Silang mga marunong sa batas, pero di naman nailalagay ang puso kung paano bang marapat na sundin ito. Silang mahilig ipagmalaki ang mga nagawa, upang sila’y purihin at kasiyahan nang kanilang kapwa! Anu ba talaga ang tunay na sukatan ng ating magandang pakikitungo sa Diyos at sa kapwa? Ito ay ang malinis na puso, bukal sa kalooban na pagtulong at ang pagiging totoo sa sarili. Tunay ngang kaawa-awa ang mga taong tulad ng mga Pariseo, sa ugali at pakikitungo sa kapwa. Tunay ngang kahabag-habag sila, kung nakikita lang nila ang marumi sa kanilang kapwa, pero di nila pinapansin na mas marumi pa pala sila sa puso at isipan. Mga kapanalig, ang tunay na diwa ng kalooban ng Diyos ay nasa paglilingkod nang buong katapatan, at pagmamahal nang walang pag-aalinlangan. Nawa’y maging totoo tayo sa isip, sa salita, sa gawa. Walang lugar sa Kaharian ng Diyos ang mapagmataas, puno nang kabaluktutan at pagkukunwari. (Rev. Fr. Joe-nelo Penino, Archdiocese of Caceres)

PANALANGIN:  

Panginoon, tulungan mo po akong magpakatotoo sa aking pakikitungo Sa’yo at sa aking kapwa. Matanto ko nawa lagi na ang tunay na diwa ng batas ay katarungan at pag-ibig.  Maisabuhay ko nawa ito sa tulong ng Banal na Espiritu, Amen.