Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 16, 2021 – SABADO SA IKA – 28 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 12:8-12

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos. Patatawarin ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ngunit hindi patatawarin ang lumait sa Espiritu Santo. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga may makapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Bro. Chito Jacinto, isang Pauline Cooperator ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Tahasang sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang bawat kumikilala sa Kanya sa harap ng mga tao, ay kikilalanin naman Niya sa harap ng mga anghel ng Diyos.  At ang sinumang magkaila sa kanya sa harap ng mga tao, ay ikakaila Niya sa harap ng mga anghel at Diyos. Mga kapatid, mahalagang tanggapin natin si Hesus, bilang Anak ng Diyos. Kasabay ng pagtanggap ay ang ating buong katapatan sa Kanya. Dahil hindi natin siya lubusang maipapahayag, kung ang puso natin ay nakalublob sa kasalanan habang tayo’y naglilingkod sa Diyos. Inaangkin natin si Kristo bilang ating Diyos, pero hindi natin binibigyan ng pagkakataon ang Espiritu Santo na gamitin at panibaguhin tayo.  Pananagutan natin bilang mga Kristiyano, na ipahayag ang mga mensahe ng Panginoon sa mga hindi pa lubos ang pagkakilala kay Kristo. Kailangan nating magabayan sila, upang mas maunawaan nila ang mga katuruang iniwan ni Hesus sa tulong at patnubay ng Espiritu Santo. Mahalaga ang presensya ng Espiritu Santo sa kasalukuyan; siya ang daan upang tayo’y  magkaisa at maging tagapagpahayag ng Salita ng Diyos. Hindi natin kailangang umasa sa pansarili nating kakayahan, lakas o talino upang magampanan ang papel na ito.  Nariyan ang Espiritu Santo na siyang gabay at lakas nating lahat. Amen.