EBANGHELYO: Mk 10:35-45
Lumapit kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” “Ano ang gusto n’yong gawin ko?” “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.” “Talagang hindi n’yo alam kung ano ang hinihingi n’yo. Maiinom n’yo ba ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin?” “Kaya namin.” “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Nalalaman n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang maging ganito sa inyo: ang gustong maging dakila, siya ang maging lingkod n’yo; ang gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin n’yo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Cris Cellan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Tulad nina Santiago at Juan, mahilig tayong daanin ang mga bagay-bagay sa lobbying o paki-usapan – upang makuha ang gusto at maunahan ang iba, humahanap ng paraan o lusot upang mapabilis at mapadali ang mga bagay-bagay. Gaya nila, nakatuon ang ating layunin sa tagumpay, kung saan madalas nating iniuugnay at sinusukat ang kadakilaan. (Ito ang problema sa mga mahilig daanin ang transaksyon sa paki-usapan – binubulag sila ng bagay na nais nilang makita o makuha, at naisasantabi ang mga kakulangan, kamalian o masamang maidudulot ng kanilang ipinipilit na ipakiusap. Minsan pa nga, hindi na isinasaalang-alang ang mga pamamaraan, kung paano makukuha ang nais, o kahit na may matapakan at masirang iba makamit lamang ito.) Kaya nga malinaw na itinuturo ni Hesus sa mga alagad, na hindi nagmumula ang tagumpay o kadakilaan sa paki-usapan o sa makasariling ambisyon. Isinisilang ang tunay na tagumpay mula sa kapakumbabaan, sa buong pusong paglilingkod at pag-aalay ng sarili. Napakahalaga nito, lalo na para sa ating mga nahihirapan, pero patuloy na naglilingkod. Mga lingkod na sa halip na pasalamatan, puna at batikos ang tinatanggap, sa halip na papuri ay paghamak, sa halip na kaayusan ay kaguluhan, sa halip na ligaya ay kalungkutan. Mga kapatid, ipinapaalala sa atin, na hindi kapangyarihan at kadakilaan ang daan tungo sa tagumpay. Matatamo lamang ito sa kapakumbabaan, sa buong pusong paglilingkod, at ganap na pag-aalay ng sarili sa ating kapwang nangangailangan sa ating paligid. Para ito sa kanila na handang tanggapin kahit pa ang mga paghihirap para sa Paghahari ng Diyos. Amen.