Daughters of Saint Paul

Oktubre 18, 2016 MARTES Ika-29 na Linggo ng Karaniwang Panahon / San Lucas, ebanghelista

Lk 10:1-9

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat Bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag n’yong batiin ang sinuman sa daan.

            “Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin n’yo muna; Mapasatahanang ito ang kapayapaan! Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan! Kung hindi magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpalit-palit ng bahay.

            “Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin n’yo anumang ihain sa inyo. Pagalingin n’yo rin ang mga maysakit doon at sabihin sa kanila: Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.”

REFLECTION

Ang ebanghelyong ating narinig, paanyaya ng Diyos na makilahok tayo sa gawain ng ating mahal na simbahang Katolika. Sa dami ng mga nangyayari sa ating mundo ngayon, lalo na sa ating bansa, mas matindi ang pangangailangan na dumulog tayo sa Diyos sa panalangin upang tulungan ang ating bansa na makabangon sa mga kinakaharap nating problema. Bilang mga binyagang kristiyano, nararapat lamang na makipagtulungan tayo sa mga gawain ng ating simbahan upang suportahan ang mga nagbabalik-loob, lalo na ang mga drug addicts na sumuko, upang magpa-rehabilitate at magbagong buhay.  Totoo na “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa”.  Ang pagsugpo sa malawakang problema ng drug addiction sa ating bansa… hindi gawain ng pamahalaan lamang.  Ito’y napakalaking salot sa lipunan na kinakailangan nating pagtulung-tulungang lutasin, upang maibsan ang krimenalidad na  dulot nito sa ating lipunan.  Sa kalagayan ng mga laksa-laksang drug addicts na sumu-surrender araw-araw, handa ka bang makipagtulungan sa pagtaguyod ng mga rehabilitation centers na kakalinga at magbibigay pag-asa sa kanila upang magbagong- buhay?  Makipag-ugnayan sa inyong parokya, pamahalaan o pribadong sektor para sa tulong na maaari mong maiambag para sa gawaing ito.  Mga kapatid, lahat tayo mga manggagawa sa ubasan ng Diyos, na inaanyayahan Niyang maging daan sa pagbabago ng mga kapatid nating naliligaw ng landas.  Sa tulong panalangin ni San Lukas, Ebanghelista hilingin nating makatugon sa panawagan sa atin ng Ebanghelyo.