EBANGHELYO: Lc 10:1-9
Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin niyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mga mangagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag niyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. At kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: “Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Divinia de Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa ebanghelyong narinig natin, tinawag ni Hesus ang mga disipulo, nagbigay Siya ng mga tagubilin at sinabi Niya sa kanila: “Pagalingin ang mga maysakit at sabihin sa kanila, ‘Nalalalapit na…ang kaharian ng Diyos.’ Sa panahong ito ng matinding pagsubok, isang napakagandang balita ito, para sa ating lahat. Pero, nasaan nga ba ang kaharian ng Diyos? Mga kapatid, kung saan may pagmamahal sa gitna ng kasakiman, kung saan may kapayapaan sa gitna ng kaguluhan at karahasan, kung saan may liwanag sa gitna ng kadiliman, kung saan may pagpapatawad sa mga nagkasala, naroon ang kaharian ng Diyos. At sino naman ang pinagmumulan ng pagmamahal, ng kapayapaan, ng liwanag, ng pagpapatawad? Ang Diyos po lamang, sa pamamagitan ni Hesus. At sinabi rin ni Hesus: “Marami ang aanihin, nguni’t kokonti ang mga manggagawa.” Bakit kaya kokonti? Masasabi ba nating marami ang di nakakakilala kay Hesus at di nakararanas ng Kaharian ng Diyos? Siguro marami na, ang nakararanas ng kaharian ng Diyos, pero di lang naipapahayag ito. Kaya panawagan ito sa atin, na kung naranasan natin ang pagmamahal ng Diyos, ibahagi po natin ito, tulad ng ginawa ni San Lukas. Ipinahayag niya ang awa at pag-ibig ng Diyos sa kanyang ebanghelyo.