Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 18, 2023 – MIYERKULES SA IKA-28 LINGGO NG TAON | Kapistahan ni San Lukas, ebanghelista

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa araw na ito ng Miyerkules, Ika-labingwalo ng Oktubre, Kapistahan ni San Lukas, manunulat ng Mabuting Balita.  Siya ang may-akda ng dalawang mahahalagang aklat sa Biblia:  ang Ebanghelyong nakapangalan sa kanya at Mga Gawa ng Apostol.  (Isa siyang manggamot, at meron ding tradisyong nagsasabi na isa siyang pintor.  Hindi lang siya nagpalaganap ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng pagsusulat, kundi naglakbay siya para magmisyon kasama ni San Pablo Apostol.)  Pasalamatan natin ang Diyos sa pagkaloob sa atin kay San Lukas, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating maging tagapagpalaganap din tayo ng Mabuting Balita, ano man ang estado natin sa buhay.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata sampu, talata isa hanggang siyam.

EBANGHELYO: Lk 10:1-9

Humirang ag Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan.  Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggawa; idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa gitna ng mga asong-gubat.  Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas.  At huwag n’yong batiin ang sinuman s daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin n’yo muna: Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan.  Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang iyong dasal.  At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod.  Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bahay kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin n’yo anumang ihain sa inyo.  Pagalingin n’yo rin ang mga maysakit Doon at sabihin sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kaming mga Daughters of St. Paul, nagbabahay-bahay dala-dala ang Biblia, mga books, mini-media at rosaries. Dala-dalawa kami. Minsan, kapag mapansin namin na halos magkadikit ang bahay, nagkasundo kami na maghiwalay. Si Sister sa isang bahay, ako sa kabila. Nung kumatok ako, nagkakape ang mag-asawa na may-ari ng bahay. Pinapasok nila ako at inalok ng lola sa akin, ang isang tasang kapeng barako. Hindi ko tinanggihan ang kape.  Alam ko na galing sa kanyang puso ang pag-alok. Kaya hinigop ko, at totoo naman, na mainit-init pa.  Habang nag-eenjoy kami sa aming coffee, iba-iba ang napag-usapan namin. May masaya, may malungkot, may masakit, at mayroon namang puno ng pag-asa. Malamig na ang huling higop ko ng kape nang magpaalam ako.  Nag-iwan ako sa kanila ng Banal na Biblia. Nang nakalabas na ako ng kanilang bahay, lalo kong na-treasure, ang sinabi ng ating Hesus Maestro na “kanin at inumin anuman ang idulot sa inyo.” Ibang saya ang na-feel ko noon. Thankful ako dahil nagpalitan kami ng good news. Sa inabot ko sa kanilang Banal na Biblia, tinanggap ko naman at naging inspirasyon ang aklat ng kanilang buhay. Alam nyo ba? Hanggang ngayon, parang nalalasahan ko pa ang kanilang kape.