EBANGHELYO: Lc 12:35-38
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi s’ya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating n’ya at pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating n’ya. Maniwala kayo sa akin, isusuot n’ya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man s’ya sa hatinggabi o madaling-araw at matagpuan n’ya silang ganito, mapalad ang mga iyon!”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Mary Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Ngayong panahon ng pandemya, tayong lahat ay nalagay sa isang sitwasyon ng pahihintay. Sa mahigit na isang taon at hanggang ngayon, ang buhay natin na dati ay puno ng iba’t ibang aktibidad, ay parang bumagal at tumigil. Hindi tayo makalabas ng bahay, walang trabaho at walang magawa. Sa isang buhay na noon ay laging abala, ang paghihintay ay pwedeng maranasan bilang pag-aaksaya ng oras lalo na at naantala ang ating mga plano at hindi natin magawa ang ating mga gusto. Hindi natin alam kung kailan matatapos ang pandemya at patuloy pa rin ang ating paghihintay. Sa ating mabuting balita ngayon, ipinapaalala ni Hesus na gayahin natin ang mga alipin na matiyagang naghihintay sa pagdating ng kanilang amo. Mapapalad ang mga marunong magbantay at maghintay. Ang paghihintay na nagyayari sa atin ngayon ay isang pagkakataon ng paghubog sa ating pagkatao, sa pagtuklas sa iba pa nating talento at upang makatulong sa ating kapwa tao. Binibigyan din tayo ng panahon para mas maging malapit sa Diyos, sa ating pamilya at sa ating komunidad. Naging maliit ang mundo, at nagka-isa sa isang layunin ng pagtutulungan at pag-sugpo sa laban ng sakit na dala ng Covid 19. Ang ating paghihintay ay paghahanda sa pagbabalik ng Panginoon, at inaasahan niya na tayo ay gising at ang ilaw ng ating pananampalataya at pagmamahal ay nagliliwanag. Kapag tayo ay nakahanda sa kanyang pagdating, aanyayahan niya tayo sa piging na kanyang inilaan sa atin. Ikaw kapatid, nakahanda ka na ba sa pagdating ng Panginoon sa iyong buhay?