Mapayapang araw ng Miyerkules mga ginigiliw naming tagasubaybay nitong programa.Ako si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Salubungin natin ang araw na ito nang may puspos ng pasasalamat at pag-asa sa walang hanggang paglingap ng Diyos sa atin. Gaano tayo kahanda sa pagdating ng Panginoon? Panawagang maging handa lagi ang hamon ng Mabuting Balitang ngayon.
EBANGHELYO: Lc 12:39-48
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Isipin n’yo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi n’yo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya pero gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas, ipinakikilala na ang ating Panginoon, sa pamamagitan ng larawan ng isang tao naglakbay patungo sa malayong lugar. Ang kanyang pagtitiwala sa iba’t -ibang biyaya, panahon, pagkakataon at sa kanyang mga kasamahan, kanyang mga katiwala. Pero ang mga taong ito may kanya-kanyang pamamaraan upang gamitin ang mga pinagkatiwalang biyayang ito sa kasamaan man o sa kabutihan. Sabi nga, “Anything that we do here on earth has its echo in eternity.” Sa pagbabalik ng Panginoon ng mga taong ito, makikita niyo ang mga taong gumawa ng may katapatan sa kanila-kanilang mga tungkulin, mayroon ding ilan na hindi ginamit ang panahon at pagkakataong ito. At ginamit ang pagkakatong ito para mag pasasa sa kanilang buhay hanggang sa masaktan, bugbugin ang kanilang mga kasamang mga katiwala. Pinagkakatiwala sa atin ng ating Panginoon ang maraming biyaya. Na ang pagkakakilanlan ng mga Kristiyano, mga taong walang ibang gagawin kundi kabutihan at tanging kabutihan lamang. Pagpupuri sa Diyos at paglilingkod sa ating kapwa. Maratnan nawa tayo ng ating Panginoon sa kanyang muling pagbabalik. Mapabilang sa mga katiwala ng may katapatan at ginagampanan ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng ating Panginoon. Pagpalain tayo ng ating Panginoon!