Daughters of Saint Paul

Oktubre 19, 2024 – Sabado ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita kina San Juan de Brebeuf at San Isaac Jogues, mga pari at mga kasama, mga martir | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo:  Lucas 12,8-12

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos. Patatawarin ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ngunit hindi patatawarin ang lumait sa Espiritu Santo. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga may makapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”

Pagninilay:

Tatakas ka ba o lalaban? Uurong o susulong? Ikakaila o itataguyod ang katotohanan? Ito ang dilemma na nakakaharap natin sa oras ng pag-uusig o pagmamalupit. Bakit? Natural kasi sa atin na ipagsanggalang ang sarili sa oras na nagigipit. Halimbawa, instinct sa atin ang umiwas sa sakit, sa hirap, at lalo na sa kamatayan. May persekusyong pangrelihiyon, panlahi, pampulitikal, o panlipunan. Naroon ang pananakot, panliligalig, pamimilit, panggigipit, pang-aabala, pang-aabuso, pangangamkam, pagbilanggo na walang hustisya. Sure ako na marami ang sumasagi sa inyong isipan at nareremember ninyo ang mga naganap sa inyong kamag-anak, kaibigan, ang newsfeed sa social media, o ang sarili mismong karanasan. Karapatang-pantao na ang ipinapahamak, winawalang-galang, nilalapastangan. Kung naaawa tayo kapag narinig natin ang ungol at atungal ng hayop na minamaltrato, sa tao pa kaya na kawangis at kalarawan ng Diyos? Alalahanin din natin ang mga pinagsamantalahang mga gubat at bundok na lumuluha na lumikha ng mga dambuhalang baha. Binibigyan tayo ng ating Panginoon ng tibay ng loob. May assurance din Siya na nasa atin ang Banal na Espiritu. Bibigyan tayo ng tamang panangggalang na naiiba sa makamundong sandata. Hindi tayo mananahimik kundi pangingimbabawin natin ang Katotohanan na nakaugat sa Karunungan ng Diyos. Lumaban, sumulong at i-angkla natin ang ating panlaban, hindi sa sarili nating kakayahan at paraan, kundi sa makapangyarihang Salita ng Diyos.