EBANGHELYO: Mt 18:1-5, 10
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila s’ya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. At nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Karihan ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Mary Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Isa sa mga dasal na una kong natutunan noong ako ay bata pa, ay ang panalangin sa ‘guardian angel’ o anghel na taga-tanod. At hanggang ngayon, ito’y aking dinadasal tuwing ako ay maglalakbay, o natatakot, o nangangailangan ng tulong o gabay. Naniniwala ako na ang bawat isa sa atin ay may nakatanod o nakabantay na anghel. Paano ko naman ito nalalaman? Maraming pagkakataon na kapag meron akong kailangan o problema o pag-aalinlangan, tumatawag ako sa aking ‘guardian angel’, at nagkakaroon ng kasagutan ang aking panalangin. Hindi ko makakalimutan noong nabubuhay pa ang nanay ko, na may sakit na cancer at naubusan na kami ng pambayad sa kanyang pang-araw-araw na radiation therapy. Hindi na sana kami pupunta sa ospital. Pero merong biglang kumatok sa bahay namin para mag-abot ng pera. Iyon daw ay bayad sa inutang nya sa nanay ko noon pang nakaraang taon. Hindi ba’t ito ang sagot sa aming panalangin? Sino ang bumulong sa taong nagpunta sa amin para magbayad? Tama ka kapatid! Wala nang iba kundi ang guardian angel. Sila ay pinapadala ng Diyos upang tayo ay bantayan, tulungan at gabayan. Sila ay nandi dyan sa anyo ng mga tao na tumutulong sa atin. Minsan naman, ang guardian angel ay gumagabay sa pamamagitan ng isang inspirasyon or liwanag ng isipan. Kung bubuksan lang natin ang ating mga puso at isip katulad ng mga bata, madali nating makikita ang pag gabay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng ‘guardian angels.’ Ikaw kapatid, paano mo nararamdaman ang kanilang paggabay sa iyong buhay?