Daughters of Saint Paul

Oktubre 20, 2016 HUWEBES Ika-29 na Linggo ng Karaniwang Panahon / San Artemio

Lk 12:49-53

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, ay ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap. Sa akala n’yo ba’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Pagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”

PAGNINILAY

Mga kapatid kay Kristo, mahalagang tanungin natin ang sarili:  ang Ebanghelyong ating narinig ba’y patungkol sa literal na ibig sabihin ng pagkakahati-hati ng ating mga sambahayan? O isang pagtawag para sa ating pagkakatipon at pagkakaisa kasama ang Diyos? Ano kaya ang ibig sabihin ni Jesus tungkol sa binyag na kailangan niyang gawin at harapin? Binyag ba ito na nangyari na? Patungkol sa sinapit niya? O tungkol sa pagkamatay Niya sa krus dahil sa pag-ibig Niya sa atin? Anuman ang mangyari Siya’y laging tapat sa Kanyang pag-ibig, sa anumang panahon at kahit saan pa man. Mahirap mang tanggapin sa isang tingin na dahil sa pag-ibig kay Kristo, pwedeng masira ang ating relasyon sa ating kapwa. Ano ba ang mas mahalaga, ang relasyon at pagmamahal sa kapwa o ang relasyon at pagmamahal sa Diyos? Sa katotohanan mga kapatid, iniutos ng Diyos na tayo’y magmahalan. Ang Kanyang unang utos, mahalin ang Diyos nang higit sa lahat. Pangalawa’y, mahalin ang kapwa gaya ng sarili. Sa katanungang ano ang mas mahalaga, walang iba kundi ang relasyon at pag-ibig kay Kristo Jesus, sa Diyos! Pero hindi naman ibig sabihin nito, kalimutan na ang kapwa. Ang tunay na pag-ibig sa Diyos, pag-ibig rin sa kapwa at sa sarili. At ang tunay pag-ibig sa sarili at sa kapwa, pag-ibig rin sa Diyos na lumikha sa atin bilang Kanyang mga kawangis.  Mga kapatid, isipin natin na kung lahat tayo, may masiglang relasyon at pag-ibig sa Diyos walang paghihiwalay na mangyayari. Sa halip, pagkakasundo at pagiging isa kay Kristo ang mananaig sa loob ng ating tahanan, sa ating pinagtatrabahuhan maging sa komunidad at parokyang ating kinabibilangan. Gaya rin ng sinabi ni Jesus sana ang ating relasyon sa Diyos, maging tulad ng relasyon Niya sa Amang nasa langit.