EBANGHELYO: Lc 12:39-48
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana n’ya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin ba o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwaan ng panginoon sa kanyang tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan s’ya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain s’ya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang aking panginoon.’ At simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di inaasahan at sa oras na di n’ya nalalaman. Palalayasin n’ya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban n’ya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban n’ya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mapagkakatiwalaan ka ba? Marahil kaunti na sa atin ang nakauunawa sa salitang katiwala o yung mga inaatasan ng isang may-ari na mangasiwa, mangalaga o magpatakbo ng isang tahanan, ari-arian o negosyo. Naka-ugat at nakabatay ang salitang ito sa Tiwala. Lubos ang tiwalang ibinibigay ng may-ari sa kanyang katiwala na itataguyod nito ang ipinagkatiwala sa kanya kahit na umalis at malayo ang may-ari. Ganito ang nais na iparating ni Hesus sa mga namumuno sa Bayan ng Diyos at sa lahat ng mga tagapag-lingkod at pastol na nangangalaga sa mga Anak ng Diyos. Tayong lahat ay mga katiwala, mga taga-pangalaga ng mga gawa ng Maylikha maging ng kanyang mga anak dito sa lupa. [Huwag nating isawalang-bahala, abusuhin o pabayaan ang mga biyaya na sa atin ipinagkatiwala. Alalahanin natin ang halaga ng bawa’t biyaya na pawang hiram lamang natin sa May-ari ng sangnilikha. Hiling ni Hesus na bagama’t hindi natin lubos na nalalaman kung kailan babalik ang may-ari, alagaan natin ang lahat ng sa ati’y ipinagkatiwala – mula sa dagat, kabundukan at lahat ng likas na yaman, mula sa mga malilit na kabataan maging ang ating buong bayan.] Lahat ay biyaya na sa atin ay ipinagkatiwala. Gamitin natin sa wastong paraan ang kapangyarihan at kakayahang sa ibinahagi sa atin ng Maykapal upang payabungin at higit pang pagyamanin ang Kanyang mga biyaya, para sa ikatataguyod natin at higit sa lahat sa ikauunlad ng ating kapwa at bansa. Amen.