Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 20, 2023 – BIYERNES SA IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON         

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes kapatid kay Kristo.  Purihi’t pasalamatan natin ang Diyos sa di mabilang na mga biyaya at pagpapalang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin.  Lalo na ang handog Niyang pananampalataya, na mas pinatatatag ng Kanyang Banal na Salita.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang paalala ng Panginoong Hesus na huwag matakot dahil higit tayong mahalaga kaysa mga maya, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labindalawa, talata isa hanggang pito.  

EBANGHELYO: Lk 12:1-7

Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na hindi mabubunyag, walang natatago na hindi malalaman. Kaya naman ang sinabi n’yo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong n’yo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag n’yong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawang anuman. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat n’yong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo ito ang katakutan n’yo. Hindi ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Ngunit isa man sa kanila’y di nalilimutan sa paningin ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa maraming maya.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nasubukan nyo na bang pakinggan ang huni ng mga ibon sa bukang-liwayway? Dito sa kumbento namin sa Pasay ay maraming mga puno at tuwing umaga – kapag hindi ako nagmamamdali – nagninilay akong kasama ng mga ibon. Nakakita ako yellow oriolles, pied fantail, pied triller, mga kalapati at napakaraming maya na nabanggit ni Hesus sa Mabuting Balita. Nakatutuwang marinig ang iba’t ibang huni nila, lalo na yung oriolles na parang pumipito at nakikipag-usap kung sisipol ka rin.  Kagalakan at kapayapaan ang mensaheng hatid nila sa akin, sa simula ng bagong araw – ng bagong buhay. Kapatid, hindi ba maganda sana kung sasalubungin natin ang bagong araw tulad nila? Masaya at punumpuno ng pag-asa? Kaya lang, marami sa atin ang nagigising nang may takot at agam-agam. Nakahilerang problema at alalahanin ang nangangailan ng ating pansin, na nagpapabalisa sa ating araw. At dahil sa takot natin, nagiging duwag tayong maging totoo sa ating sarili at mga prinsipyo. Ayaw nating makita ng iba ang samu’t saring kinatatakutan natin, kaya nagbabalatkayo tayo. Nagkukunwaring OK ang lahat, baka kasi ano ang sasabihin ng iba. O kaya nama’y hindi makapagsabi ng totoo, dahil baka mapahamak hindi lang ang sarili kundi pati na ang mga mahal sa buhay. Kapatid, alalahanin mo ang sinabi ni Hesus: “Maging ang buhok ninyo’y bilang niyang lahat. Kaya’t huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”

PANALANGIN

Panginoon, isinusuko namin sa inyo ang lahat ng aming takot at pangamba, at nananalig na hindi mo kami pababayaan dahil mahalaga kami sa iyo. Amen.