Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 21, 2023 – SABADO SA IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng sabado kapatid kay Kristo.  Dakilain ang Diyos sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang makapagpatotoo sa Kanyang walang hanggang Pag-ibig sa bawat isa sa atin.  (Pasalamatan natin Siya sa muling paggising sa atin upang maranasan muli ang Kanyang paglingap at pagmamahal.  Simulan natin ang bagong araw, sa pagninilay ng Kanyang Banal na Salita na magsisilbing gabay natin sa buong maghapon.)  Ito po muli si Sr. Lina Salazar na nag-aanyayang ihanda na ang sarili sa pakikinig ng Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labindalawa, talata walo hanggang labindalawa.

EBANGHELYO: Lk 12:8-12

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos. Patatawarin ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ngunit hindi patatawarin ang lumait sa Espiritu Santo. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga makapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, tumutukoy sa isang uri ng kasalanan na walang kapatawaran ang “paglait sa Espiritu Santo.” Sa ating buhay Kristiyano, madalas nating naririnig sa mga turo ni Hesus at sa homiliya ng mga pari ang kahalagahan ng salitang pagpapatawad. Dahil ang pagpapatawad ang syang nagiging susi ng pagkakaroon ng kapayapaan sa puso. Totoo! Ang Diyos ay maawain at mapagpatawad sa anumang kasalanang nagawa natin, at ang kanyang awa at habag ay di masukat ninuman, at walang hangganan. Pero ipinahihiwatig sa atin ng Ebanghelyo ngayon, na matatamasa lamang natin ang awa at kapatawaran ng Diyos, kung marunong tayong magpakumbaba sa kanyang harapan, at taos-pusong nagsisisi sa mga kasalanang nagawa. Laging handang magpatawad ang Diyos, at muli tayong yayakapin at ihihilig sa kanyang puso. Pero ang sinumang nilalang, na binabalewala ang walang hanggang-awa at habag ng Dyos, ang syang pinagmumulan ng kasalanan laban sa Espiritu Santo.  Ito ang naging kasalanan ng mga mapagmataas na anghel, kaya naman itinapon sila sa naglalagablab at di napapawing apoy ng impiyerno. Mga kapatid, ang mga kampon ng kasamaan ay walang-sawang tinutukso tayo, upang ipagpatuloy ang mga nakagawiang kasalanan.  Sinisikap nilang mawalan tayo ng pag-asa, na tayo’y mapapatawad pa ng Diyos.  Ginagawa nila ito, upang makapiling nila tayo sa impiyerno at saktan ang damdamin ng Diyos.   Nawa mga kapatid, huwag tayong mawawalan ng pag asa sa Diyos, na patuloy na nagmamahal at walang sawang nagbubuhos ng kanyang awa at habag sa atin. Lagi nawa nating tatandaan, na kahit si Hesus ay tinukso din ni satanas sa ilang, pero hindi siya nawalan ng pag-asa at tiwala sa awa at habag ng Dyos.  Suriin natin ang ating mga sarili lalo na sa mga panahong isinasantabi natin ang Diyos sa ating buhay dahil sa kawalan ng pag asa na tayo’y mapapatawad pa. Muli tayong lumapit sa kanya nang may kababaang loob at humingi ng tawad. Amen.