Ebanghelyo: Lucas 12,13-21
Sinabi kay Hesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Hesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo? “At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag pa ni Hesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang aking gagawin? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang aking gagawin, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami ka ng ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”
Pagninilay:
Kapanalig, ano ang ginagawa mo kapag tumanggap ka ng maraming biyaya mula sa Diyos? Ikaw ba ay imbakan o daluyan ng biyaya? Kung iisipin, hindi naman galing sa masama ang naipong kayamanan ng mayaman sa talinhaga ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon. Pero hindi man lang sumagi sa isip nya na ibahagi sa mahihirap kahit ang sobra sa kanyang kamalig. Kapanalig, hindi lang ito tungkol sa mayayaman. Lahat tayo ay hinahamon ng Mabuting Balita na magbahagi ng mga biyayang ating natanggap, malaki man ito o maliit. Halimbawa, nakatanggap ka ng chocolates, sinarili mong kainin kaya tumaas ang blood sugar mo. Kung ibinahagi mo yon sa iba, nakapagpasaya ka pa sana ng iba at hindi tumaas ang blood sugar mo. Kaming mga madre ay kadalasang recipient ng mga biyaya mula sa mga taong may ginintuang puso. Minsan may magbibigay ng bigas, gulay o itlog. Masaya silang nagbibigay dahil sabi nila, lalo silang binibiyayaan ng Diyos tuwina magbibigay sa amin. Kapanalig, kapag nagbabahagi tayo sa iba ng ating mga natatanggap na blessings, nagiging daluyan tayo ng biyaya ng Diyos. Ang nagbibigay ay nagiging tulay o instrumento upang ang biyaya ng Diyos ay makarating sa mga nangangailangan. Subalit kung ito’y itatago lamang natin sa ating imbakan ay ipinagkakait natin sa iba ang pagkakataong mabiyayaan din ng Diyos. Hingin natin sa Diyos ang biyaya na gawin tayong bukas-palad upang dumaloy sa ating mga palad ang biyaya ng Diyos sa tuwina.