Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 22, 2021 – BIYERNES SA IKA–29 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 12:54-59

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit ngunit bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito? At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Emelita Tuazon ng Institute of our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. Ano ang iyong mararamdaman kung masabihan kang mapagpaimbabaw, nagmamarunong, mandaraya o fake?  Marahil magagalit ka, aatras sa kausap o magsusuri ng sarili. Sa mabuting balita ngayon sinabi ng Panginoon sa mga tao, mga mapagpaimbabaw! Marunong kayong bumasa ng palatandaan sa lupa’t sa langit, bakit hindi ninyo mabasa ang mga tanda ng kasalukuyang panahon? Mga kapatid, ang Panginoong Hesus ang buhay na tanda ng kasalukuyang panahon. Minsan sinabi ng aking kaibigan, araw-araw siyang nagbabasa ng bibliya kahit hindi masyadong maintindihan. Pero, pagkatapos nyang magbasa, mapayapa ang kanyang kalooban. Totoong ang bibliya ay Salita ng Diyos, palatandaan ng pagmamahal, tinig ng isang pastol. Makakatagpo rin natin ang Diyos sa mga mabubuting gawa ng mga tao, sa ating mga tradisyon at mga sakramento na Kanyang itinatag upang tumibay tayo sa ating pananampalataya. Ask ni God ang taos puso nating paglapit sa Kanya, tagos sa puso na pagnanais na itama ang mga nakasanayang mga maling gawain at makasunod sa Kanyang mga utos. Nawa lagi nating tandaan: si Hesus ang daan, katotohanan at buhay. Hayaan nyong tapusin ko ang aking pagninilay sa bahagi ng Salmo 118: Kay buti mo Panginoon! Kay ganda ng iyong loob, sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos. Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod. Amen