Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 22, 2023 – IKA-29 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON |  Linggo ng Pandaigdigang Misyon

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-dalawampu’t siyam na Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating liturhiya. Linggo ngayon ng Pandaigdigang Misyon. Ipagdasal natin ang mga misyonerong naka-destino sa iba’t ibang panig ng mundo, pati na ang ating mga OFWs na mga makabagong misyonero, nang pagkalooban sila ng Diyos ng lakas ng pananampalataya at pangangatawan upang makayanan ang mga pagsubok na nararanasan.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang (pahayag ng Panginoong Hesus na ibigay sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos, sa) Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t dalawa, talata labinlima hanggang dalawampu’t isa.

EBANGHELYO: Mt 22:15-21

Umurong ang mga Pariseo at nagpulong kung paano nila huhulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya ipinadala nila ang kanilang mga alagad kasama ng mga kampi kay Herodes. Sinabi nila kay Jesus: “Guro, nalalaman namin na tapat kang tao at tunay na nagtuturo ng daan ng Diyos; hindi ka napadadala sa iba at nagsasalita hindi ayon sa kalagayan ng tao. Kaya ano ang palagay mo ayon ba sa Batas na magbayad ng Buwis sa Cesar? Dapat ba tayong magbayad sa kanya o hindi?” Alam naman ni Jesus ang masama nilang pakay, at sinabi niya sa kanila: Mga mapagkunwari! Bakit ninyo ako sinusubukan? Ipakita ninyo sa akin ang perang pambuwis.” Ipinakita nila ng isang denaryo, at sinabi sa kanila ni Jesus. “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan Sumagot sila: “Ang Cesar.” at sinabi niya sa kanila:”Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ang pagninilay na ibabahgi ko sa inyo.  Sa ating Mabuting Balita ngayon, (tinanong ng mga pinuno ng Israel si Hesus kung tama bang magbayad ng buwis sa Emperador, na isang kontrobersyal na paksa sa panahong iyon. Kung sasabihin ni Hesus na oo, maaari siyang maparatangan ng pagtataksil sa bayan ng Israel at sa Diyos. Kung sasabihin niya na hindi, maaari siyang maparatangan ng paglaban sa kapangyarihan ng Roma. Pero hindi nagpahuli si Hesus sa kanilang patibong.) Sinabi ni Hesus: “Ibigay ninyo kay Cesar ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Sa ganitong paraan, binibigyang-diin ni Hesus ang mas mahalagang bagay: ang pagbibigay ng karapat-dapat na pagsamba at paggalang sa Diyos.  Ang kuwentong ito ay may kaugnayan sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Misyon, na taun-taon, ginaganap tuwing ika-apat na Linggo ng Oktubre. Nagpapaalala ito sa atin na ang bawat binyagang Kristiyano, tinatawag na maging saksi ni Kristo sa buong mundo, at hindi dapat matakot o mahiya na ibahagi ang kanyang pananampalataya.  Ang misyon ay hindi lamang tungkol sa pagpapadala ng mga misyonero sa ibang bansa o kultura, kundi pati na rin sa pagpapakita ng halimbawa ng buhay-Kristiyano sa ating sariling lugar at lipunan. Ang misyon ay hindi rin lamang tungkol sa pagsasalita o pagtuturo, kundi pati na rin sa pakikinig at pakikipag-ugnayan sa iba. Ang misyon ay hindi rin lamang tungkol sa pagbibigay o pagtulong, kundi pati na rin sa pagtanggap at pagkatuto mula sa iba.  Mga kapatid, sa Pandaigdigang Araw ng Misyon, inaanyayahan tayo ni Hesus na dapat nating gamitin ang mga biyaya at talento na ibinigay sa atin ng Diyos, upang maglingkod sa kanya at sa kanyang bayan. Dapat nating ibahagi ang ating pananampalataya at pag-ibig sa lahat ng tao, lalo na sa mga hindi pa nakakakilala kay Kristo. Dapat tayong maging mga saksi ni Kristo, na siyang nagpadala sa atin upang magmisyon.