Daughters of Saint Paul

Oktubre 23, 2017 Lunes sa Ika-29 na Linggo ng Taon

LUCAS 12:13-21

Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati n’yo? “ At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, may marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”

 

PAGNINILAY

Mula pa rin sa panulat ni Cleric Mark Lawrence Fabregas ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Malinaw nating napakinggan na ang mayamang hangal walang napala, na kahit ang kanyang kayamanang taglay, di kayang bayaran at tumbasan ang kanyang buhay. Kaya naman nang siya’y siningil ng Diyos at binawi ang kanyang buhay, wala siyang naimpok ni isa sa kabilang buhay. Sa ating pangkaraniwang pamumuhay bilang tao, masasabi nating mahalaga ang pera upang patuloy tayong managana at manatili sa ating buhay. Totoo naman na hindi masamang mag-impok ng pera lalo na kung pinag-ipunan natin ito sa mabuting pamamaraan.  Pero ang nagpapasama lamang nito, ang kawalan natin ng kakayahang ibahagi ito sa iba. Di lamang sa pera maihahalintulad ang yamang ipinapahiwatig sa mabuting balita, kasama rin dito ang mga talento at kakayanang likas na mayroon tayo. Lahat ng ito’y nagmula sa kabutihan ng Diyos.  Ibinahagi niya ito sa atin upang maging daluyan tayo ng pagpapala sa bawat isa.  Alalahanin natin ang sulat ni Apostol Pablo, na hindi lahat, tagapagpahayag, hindi lahat, guro, hindi lahat, manunulat at iba pa…ibig sabihin lamang nito, may kanya-kanya tayong yaman at talento na dapat ibahagi sa iba. Pasalamatan natin ang Diyos sa buhay, yaman at kakayahang pinahiram lamang Niya sa atin.  Gamitin nawa natin ito para sa Kanyang kapurihan at bilang paghahanda sa buhay na walang hanggan.