EBANGHELYO: Lc 13:1-9
Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyan kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, ngunit kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta s’ya upang maghanap ng mga bunga subalit wala s’yang nakita. Kaya sinabi n’ya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo ‘yan at pampasikip lamang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na s’ya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga s’ya, ngunit kung hindi’y saka mo s’ya putulin.’ ”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Edna Cadsawan ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Ipinahayag ni Hesus sa ating mabuting balita ang kahalagahan ng pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan upang makaiwas sa kapahamakan. Sinabi niya ito hindi upang manakot, kundi bigyang- diin ang kahalagahan ng pagbabalik loob. Ipinakita rin kung gaano katiyaga at mapagpasensiya ang Diyos na bigyan tayo ng pagkakataon upang mamunga tulad ng puno ng igos. Mga kapatid, bawa’t isa sa atin ay may regalo o talentong tinanggap mula sa Diyos, na kailangan nating gamitin at palaguin upang tayo ay maging regalo rin sa iba. Kaya lang, madalas na hindi natin napapalago ang mga regalong ito, marahil dahil na rin sa naging kontento na tayo sa anumang maliit nating nagagawa. Dapat po nating alalahanin na ang kasalanan ay hindi lamang tungkol sa paggawa ng mali, kundi nakaugnay din ito sa hindi paggawa ng mabuti o ang tinatawag na ‘sin of omission. Binigyan tayo lahat ng Diyos ng kakayahan upang isakatuparan ang ating misyon, gamit ang mga talentong bigay sa atin. (Dati rin po akong nagkaroon ng mababang pagtingin sa sarili, dahil madalas kong ikumpara ang sarili ko sa iba, kaya hindi ko na sinubukang alamin kung ano ang kaya ko pang gawin. Pero, sa kabutihan ng Diyos ay nagpadala Siya ng taong naniwala sa aking kakayahan, at binigyan ako ng pagkakataon upang higit kong makilala ang aking sarili. Manalangin tayo na mapalago pa natin ang mga talentong bigay sa atin at patuloy na magbalik loob sa Diyos. Amen.)