Ebanghelyo: Lucas 12,39-48
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana n’ya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin ba o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwaan ng panginoon sa kanyang tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan s’ya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain s’ya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang aking panginoon.’ At simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di inaasahan at sa oras na di n’ya nalalaman. Palalayasin n’ya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban n’ya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban n’ya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”
Pagninilay:
Ano ba ang mga pinagkakaabalahan natin? Ano ang ating mga priorities? Saan natin ginugugol ang ating panahon, lakas, talino, kakayahan at mga resources? Fifty-six years old lamang si Steve Jobs, co-founder ng sikat na Apple Inc., – tanyag, matagumpay, mayaman – nang binawian siya ng buhay dahil sa kanser. Naalala ko siya sapagkat ika-labintatlong anibersaryo ng kanyang kamatayan nung October 5. Isa sa mga nakaka-inspire at nararapat pagnilayan ang sinabi niyang, “Hindi mahalaga sa akin ang maging pinakamayamang tao sa sementeryo. Ang pagtulog sa gabi na masasabi ko sa sarili na nakagawa ako ang isang bagay ng mabuti, iyon ang mahalaga sa akin.” Sa Mabuting Balita, sinabi ni Jesus, “Kaya maging handa kayo, dahil darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.” Hindi nagkulang si Jesus sa pagpapaalala sa atin na maging handa sa lahat ng panahon. Paano? Sa pamamagitan ng pagiging tapat at matalinong katiwala ng lahat ng kaloob Niya sa atin: ang ating buhay, kalakasan, talino, kakayahan, mga talento, resources at lahat ng mabubuting bagay na meron tayo ngayon. Nakakatulog ba tayo nang mahimbing sapagkat ginamit natin ang lahat ng ito sa paggawa ng mabuti? Kilatisin natin ang ating mga priorities, ang ating pinagkaka-abalahan. Ano ba ang nagdudulot ng pagkapagod sa atin? Ano ang nakaka-stress sa atin? Mga kapanalig/kapatid, ugaliin nating kilatisin ang ating budhi bago matulog sa gabi. Tanungin ang ating sarili, “Ano ba ang nagawa ko sa araw na ito upang masabi kong naging tapat at matalinong katiwala ako ng Panginoon?” Sa ating mga pagkukulang, humingi tayo ng tawad. At patuloy nating hilingin ang biyayang magsikap nang mas mainam sa susunod na araw, upang tunay na maging handa tayo sa pagharap sa Panginoon.