Daughters of Saint Paul

Oktubre 24, 2016 LUNES Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon / San Antonio Maria Claret

Lk 13:10-17

Nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na siyang may espiritung nagbibigay-sakit; nakakandakuba na siya at di makatingala.  Pagkakita sa kanya ni Jesus, tinawag siya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit”. Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang tuwid ang babae at nagpuri sa Diyos.

Nagalit ang pangulo ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi niya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!”

Sinagot siya ng Panginoon: “Mga mapagkunwari, hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin?  At isang babae naman ang narito na Anak ni Abraham na labinwalong taon nang iginapos ni Satanas.  Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?”

Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahanga-hangang ginagawa ni Jesus.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, inilarawan ni San Lukas na nakabaluktot ang katawan ng babaeng sinapian.  Tulad ng publikano sa Ebanghelyo kahapon na hindi makatingala sa langit– ganito kadalasan ang kalagayan ng sinumang nagkasala, hindi makatingin ng diretso sa Panginoon, o sa taong nagawan natin ng kasalanan.  Kaya nga, isang malinaw na tanda na ang tao nagsasabi ng totoo kapag kaya niyang tumingin ng diretso sa taong kausap.  Maliban na lamang kung manhid na ang tao sa kasalanan at kaya nitong magkunwaring tumingin ng diretso kahit hindi nagsasabi ng totoo.  Mga kapatid, sadyang makapangyarihan ang Panginoon.  At Siya lamang ang nakakaalam sa tunay na nilalaman ng ating puso at isip kung tayo man nagsisinungaling o nagsasabi ng totoo.  Siya lamang ang may kapangyarihang magpalaya sa atin sa kasalanan at sa mga sakit na umaalipin sa atin ngayon.  Siya lamang ang makakapanumbalik sa ating espiritwal at pisikal na kalusugan.  Patuloy tayong umasang pagagalingin tayo ng Diyos sa Kanyang takdang panahon.  At habang hinihintay natin ang kagalingang matagal na nating inaasam-asam, maging bukas sana tayo sa pagtanggap sa anumang kalooban ng Diyos.  Manalangin tayo.  Panginoon, nagsusumamo po akong igawad Mo sa akin ang kagalingang pisikal at espiritwal na matagal ko nang inaasam-asam.  Amen.