EBANGHELYO: Mc 10:46-52
Dumating si Jesus sa Jerico, at pag-alis n’ya roon kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabing-daan– si Bartimeo, na anak ni Timeo. Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, anak ni David.” Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin!” Huminto naman si Jesus at sinabi: “Tawagin n’yo siya.” “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Jesus. Kinausap ito ni Jesus at sinabi: “Ano ang gusto mong gawin ko?” “Ginoo, makakita sana ako.” “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.” Agad s’yang nakakita at sumunod s’ya kay Jesus sa daan.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Cris Cellan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig natin ang kwento ni Bartimeo, isang bulag na pulubi, na muling tinanggap ang biyayang makakita sa pamamagitan ng kanyang pananalig at pagtitiwala kay Hesus at sa kapangyarihang mula sa Diyos na sa kanya’y makapagliligtas. Marami sa atin ngayon ang tulad ni Bartimeo na mayroong mga kahinaan o karamdaman. Sa lahat ng ito, kailangan natin ang paghihilom mula kay Kristo. Inaasam natin ang isang pag-asa na higit sa ‘ting inaakala, isang pag-asa ng paghihilom, isang pag-asa ng luwalhati, na higit pa sa panandaliang kalusugan at tagumpay na mayroon ang daigdig na ito. Mga kapatid, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa – kahit pa sa ating mga kahinaan at kakulangan o karamdaman, maging sa ating espiritwal na pagkabulag. Hindi hadlang ang mga pisikal na kahinaan upang makamtan ang espiritwal na pagkamulat. Tulad ng paghilom ni Hesus sa mga mata ng mga bulag, hinihilom tayo ni Hesus kung saan tayo nasasaktan. Nais ni Hesus na maging bahagi tayo ng Paghahari ng Diyos kahit pa kailangan niya tayong pagalingin sa ating karamdaman at kahinaan upang makarating dito. Iniaaalay niya ang kanyang sarili sa Ama para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan, para sa ating kagalingan. Sa ngayon, maaaring bulag tayo at lampa, pero nakikibahagi tayo sa pag-asa at panalangin ng lalaking bulag: “Anak ni David, maawa ka sa akin!” “Hindi ako karapat-dapat magpatuloy sa iyo, ngunit sa isang salita no lamang ay gagaling na ako.”