Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 24, 2023 – MARTES SA IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | San Antonio Maria Claret, Obispo

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ika-dalawampu’t apat ngayon ng Oktubre ginugunita natin si San Antonio Maria Claret na isang Obispo. Siya ang tagapagtatag ng Claretian fathers and brothers… Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating laging makapaghandang makapiling ang Diyos, anumang oras Siya dumating sa ating buhay.  Dahil ang buhay natin sa mundo, walang undo o replay. Kapag tinawag na tayo ng Diyos na bumalik sa Kanya, wala ng palugit na ibibigay pa.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labing-dalawa, talata tatlumpu’t lima hanggang tatlumpu’t walo.

EBANGHELYO: Lk 12:35-38

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating niya’t pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Edward Dantis ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Be prepared! Siyempre alisto, o Laging handa! Ito ang Motto ng Boy Scout. Ito ang bilin ni Robert Baden-Powell, na tagapagtatag ng Boy Scouts.  Kanyang isinulat na “dapat, maging laging handa, sa katawan at isipan para magawang mabuti ang mga tungkulin.”  Parang ganito ang mensahe ng narinig nating Ebanghelyo ngayon, na tungkol sa pagkilos, pagiging handa o kahandaan para sa anumang agarang aksyon. Sinasabi nito sa atin, na dumarating ang Diyos sa pinaka hindi inaasahang panahon ng ating buhay.  Kaya hinihikayat tayong maging mas mapagmasid sa ating kapaligiran. Bagama’t nakakaalarma ang mensahe ng Mabuting Balita, lalo na para sa mga taong hindi magawa ng maayos ang kanilang mga trabaho bilang isang lingkod ng Diyos.  Mga kapatid, ang paghahanda mismo ay hindi dapat maging dahilan upang matakot tayo sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Sa halip, tanggapin ito bilang ating pagganyak na gawin ang pinakamahusay ayon sa mensahe ng Diyos.  At pagdating ng araw na iyon, ipinagdarasal natin ang kahandaan ng lahat na sumagot at maglingkod sa Diyos kapag tinawag niya tayo.  Gaya ng nabanggit ko kanina, ang original na intention ni Baden-Powell na motto, “laging handa” ay para lamang sa survival ng mga scouts. Pero naihanda rin sila nito na harapin ano man ang iniaalok na hamon sa kanila ng buhay.  Nawa, tayong lahat ay maging “laging handa” sa anumang nais sa atin ng Panginoong Diyos.