Ebanghelyo: Lucas 12,49-53
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”
Pagninilay:
“Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa; at sana’y nagliliyab na ito! Ang apoy na tinutukoy ni Jesus ay ang apoy ng pag-ibig ng Diyos sa atin. The life of Jesus in us. Tinanggap natin ang apoy ng pag-ibig na ito nang tayo ay binyagan. Di ba’t si Jesus ay tumanggap ng binyag ng pagpapakasakit at kamatayan sa bundok ng Golgotha? Tayo ay nakikibahagi sa buhay ni Jesus kaya’t ang apoy na ito ay nararanasan din natin sa pagdurusa, sa dalamhati, at sa pagbabago. Sa pagsasabuhay ng ating binyag tayo ay naglalakbay tungo sa kabanalan. Sa hirap ng buhay o sa mga karahasan na nangyayari, kung may namatay na mahal natin, maaaring tayong panghinaan ng loob at ang iba nga ay sumusuko na. Ang tingin kasi natin ay malayo si Hesus sa atin at di tayo pinapakinggan. Kapag dumating sa atin ang ganitong disposisyon, maaari talagang magbunga ng samaan ng loob o kagalitan sa pamilya. Hindi na tayo kumakapit kay Jesus kundi sa sarili nating kakayanan, sa ating pag control sa mga tao at pangyayari.Lalo tuloy lumalaki ang problema at nagkakawatak-watak ang ating pamilya. Ang talagang nais ng Panginoon ay mag-alab ang pag-ibig sa ating puso. Na tanggapin natin ang hamon sa buhay sa kabila ng pagsubok at dalamhati. Na ibigay natin kay Jesus ang ating mga alalahanin. Na pasanin natin ang ating krus, kasama siya. Si Jesus ang nagpapaalab ng ating puso. Siya ang nagbibigay ng buhay at lakas. Hindi natin kaya na papag-alabin itong mag-isa. Ang kailangan lang nating gawin ay buksan ang ating isip at puso nang sa gayon ay manahan siya sa atin.
Panalangin:
Ama, inilalagay namin ang aming sarili sa iyong presensya. Buong puso kaming nananalig sa iyo at minamahal ka namin nang buong puso. Lubos naming ipinagkakatiwala ang aming sarili sa iyong awa at patawad. Ipaunawa mo po sa amin na ang aming mga paghihirap at pagdurusa ay pakikiisa sa iyong binyag at misyon para sa lahat. Batid namin na hinahangad mo lamang na kami ay iyong akayin pauwi sa langit. Amen.