Daughters of Saint Paul

Oktubre 25, 2016 MARTES Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon / Santa Daria

Lk 13:18-21

Sinabi ni Jesus: “Ano ang katulad ng Kaharian ng Diyos?  Sa ano ito maikukumpara?  Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng Langit.”

            At sinabi niya uli:  “Sa ano ko ikukumpara ang Kaharian ng Diyos?  Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, napapanahon ang hamon ng Mabuting Balita ngayon.  Sa mundong ginagalawan natin sa kasalukuyan na tila nananaig ang karahasan, kasakiman, katiwalian at kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng tao – hinahamon tayo ng Panginoong maging mga buhay at magigiting na saksi ng Kanyang paghahari. Hinahamon Niya tayong pangibabawin ang kabutihang itinanim Niya sa ating puso, at paglingkuran ang Diyos at kapwa sa diwa ng tunay na pagmamahal.  Hinahamon Niya tayong laging manindigan sa kung ano ang tama at kalugod-lugod sa Kanya sa gitna ng umiiral na kawalan ng pagpapahalaga sa buhay sa tao.  Hindi kaila sa atin na araw-araw may pinapatay bunsod ng malawakang operasyon laban sa droga.  Sa pagnanais na linisin ang ating bansa sa kriminalidad, dulot ng mga taong lulong sa droga – naging kalakaran na ang pagpatay na nababalitaan natin araw-araw.  Laging idinadahilan na naglaban sila kaya sila pinatay.  Pero sino ba ang makapagpapatotoo na naglaban nga sila?  Maaaring abusuhin ang pagpatay sa mga drug addicts ng mga taong lihim na may galit sa kanila, o ng mga taong nasa katungkulan na sangkot sa pagpapakalat ng droga.  Bago pa man sila kumanta, at isiwalat ang kanilang nalalaman, inuunahan na silang patayin.  Mga kapatid, sa nagpapatuloy na problemang kinakaharap ng ating bansa sa ngayon, lalo na ang summary killings ng mga drug addicts, matindi ang pangangailangan ng sama-sama nating pananalangin sa Diyos na tulungan tayong malagpasan ang pagsubok na ating pinagdadaanan.  Isang inang OFW ang galit na galit, nang minsang nagbigay ako ng pagninilay laban sa extra-judicial killings.  Nalaman ko ang dahilan ng kanyang pagkagalit.  Ang kanyang tatlong anak na lalaki, nasira ang buhay dahil sa droga. Nagpakamatay ang panganay, nabaliw ang pangalawa, at ang bunso, malubha pa rin ang kalagayan.  May dahilan siya para magalit sa kalakaran ng drugs.  At marahil marami din sa atin, ang may parehas na saloobin. Na patayin na lamang ang mga hardened drug addicts kaysa makabiktima pa sila ng maraming inosenteng  tao.  Pero, ito nga kaya ang kalooban ng Diyos?  Minsang sinabi ng Panginoon, “Condemn the sin, but not the sinners.”  Tayo man din, mga makasalanan na patuloy Niyang binibigyan ng pagkakataong magbago.  Ipagkakait ba natin ang prebilihiyong ito sa mga kapatid nating naligaw ng landas at gustong magbago? Mga kapatid, katulad ng butil ng mustasa at lebadura – tayo’y tila maliliit na tinig at hamak na kasangkapan ng Diyos – na sasalungat sa agos ng kasamaang umiiral sa kasalukuyan.