BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Miyerkules minamahal kong kapatid kay Kristo. Dakilain ang Diyos nating mapagkalinga at mapagmahal sa patuloy na pagkakaloob sa atin ng pagkakataong ihanda ang sarili sa Kanyang pagdating. Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labing-dalawa, talata tatlumpu’t siyam hanggang apatnapu’t walo.
EBANGHELYO: Lk 12:39-48
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Isipin n’yo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi n’yo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya pero gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ang Mabuting Balita sa araw na ito ay napakahalagang paalala at pagsusuri ng ating sarili, sa kung papano natin ginagawa ang mga bagay na ipinagkakatiwala sa atin. Maganda rin namang masabihan kang napaka-responsable mong tao. Pero hindi lang ang pagiging responsable at magaling ang mahalaga kay Hesus, kundi higit sa lahat, ang pagiging tapat o (faithful). Katapatan na bunga ng buong tiwala, at pagpapahalaga sa malalim na relasyon, ng isang taong nagbibigay ng tiwala sa Kanya. Ang taong tapat ay responsable, hindi lang sa trabaho, kundi may pagpapahalaga din ito sa kapakanan ng mga kasama nito sa anumang gawain – dahil sila rin ay ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Nawawala ang pagiging makasarili sa ganitong disposisyon. Mas katiwa-tiwala at laging handa sa pagdalaw ng Diyos sa ating buhay.
PANALANGIN
Panginoong Hesus, gabayan nawa kami ng aming pananampalataya sa Iyo para maging tapat at may pagpapahalaga sa lahat ng bagay at mga taong ipinagkakatiwala Ninyo sa amin. Amen.