Ebanghelyo: LUCAS 12:54-59
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit ngunit bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito? At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Pagninilay:
May shaking na ginagawa sa atin ang ating Hesus Maestro ngayon sa kakayanan nating magbalik-loob at makipagkasundo. Conversion shake! Reconciliation shake. Shake- shake! Baka kasi may nakaligtaan na tayong kapwa na naghihintay na makipag-reconcile sa atin o kaya tayo mismo ang naghahangad na muling makipag-batî pero nawawalan tayo ng lakas ng loob. Ang tanong, maluwag ba ang loob natin na i-challenge ng ating Hesus Maestro ang ating resistance? Wake-up call ito sa ating lahat. Naniniwala ako na lahat tayo may iba-ibang pinagdaraanan na krisis na kailangan ng pagbabalik-loob at pakikipagkasundo. Na kay Hesus Maestro ang solution. Sinabi Niya na pag-aralan ang mga tanda. Bukod sa tanda ng panahon, maaring sitwasyon, maaari ring emosyon. Ipokus natin sa sign na nangyayari sa ating sarili. Kumusta ang tinig ng ating kalooban? Kailan natin ito huling pinakinggan? Baka naman winawalang-bahala natin o maaaring inaabuso natin. Kaya galit, poot, inggit, magulong pag-iisip na tayo rin mismo ang nagsusuksok sa ating kalooban. Pagbabalik-loob at pakikipagkasundo. Balik-loob. Bumalik tayo sa ating kalooban. Hanapin, dalawin, at kumustahin ang mga empty spaces. Empty na ba sa pagkauhaw sa Diyos? Baka wala na ring laman ang sisidlan ng ating pagmamahal. Nasaan na sa ating kalooban ang alkansya ng pasensya at pang-unawa? Shake, shake, shake. Be transformed. Maybe this time kahit two months pa bago mag-Christmas may constant conversion and reconciliation nang magaganap sa atin at sa isa’t isa.