Lk 13:22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon, na nangangaral habang papunta siya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya: “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas” At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing Panginoon, buksan mo kami. Sasagot naman siya sa inyo: Hindi ko alam kung tagasaan kayo”.
Kaya sasabihin n’yo: Kami ang kumain at uminom na kasalo mo at sa aming mga lansangan ka nangaral. Pero sasagutin niya kayo: Hindi ko alam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama. Naroon ang iyakan at pagpangalit ng mga ngipin pagkakita nyo kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.
PAGNINILAY
Pinaaalalahanan tayo ni Jesus sa Ebanghelyong ating narinig, na kailangan nating pagsumikapan ang ating pagpasok sa “makipot na pintuan”. Disiplina at pagpupursigi ang hinihingi sa atin ng Panginoon upang tayo’y makasama sa Kanyang Kaharian. Hindi sapat na nakikinig lamang tayo sa mga salita ng Panginoong Jesus o mabasa natin ang bibliya. Sa halip, inaanyayahan tayo ng Panginoon na isabuhay natin ang Kanyang mga turo, at pagsumikapang gawin kung ano ang tama, mabuti, at kalugod-lugod sa Kanya nang buo nating puso, kaluluwa at pag-iisip. Paano ba tayo nakatutugon sa panawagang ito sa ating pang-araw-araw na buhay? Nandidiyan ang sampung utos ng Diyos, na binuod sa dalawang pinakamahalagang utos: “Mahalin ang Diyos nang higit sa lahat at ang kapwa gaya ng sarili. Ito ang ating pamantayan sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Madaling sabihin, pero mahirap gawin at isabuhay! Lalo na, kung laging pansarilling kapakanan ang ating inuuna at wala tayong pakialam sa iba. Mga kapatid, ang araw-araw nating pagsusumikap na isabuhay ang utos ng Diyos, isang konkretong paraan ng pagpasok sa makipot na pinto. Hindi natin ito magagawa, kung hindi muna tayo mamamatay sa ating pagkamakasarili, at maging sensitibo sa pangangailangan ng ating kapwa. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang makatugon sa Kanyang panawagan na pumasok sa makipot na pintuan sa pamamagitan ng ating mga pagsasakripisyo, pagpapagal, at paglilingkod sa mga nangangailangan nang may pagmamahal.