Daughters of Saint Paul

Oktubre 26, 2017 Huwebes sa Ika-29 na Linggo ng Taon

 

LUCAS 12:49-53

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala n’yo ba’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Pagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”

PAGNINILAY

Kung papansinin natin ang mga sambahayan ngayon – totoong nangyayari ang pagkakahati-hati.  Pero ito nga ba talaga ang hatid ng Panginoon sa atin ang maghasik ng kaguluhan?  Mga kapatid, huwag nating gawing literal ang pag-unawa sa mga katagang binanggit ni Jesus.  Sa halip dapat natin itong unawain na kapag sineryoso nating sundin ang Kanyang mga itinuturo, at mamuhay nang naaayon sa Kanyang kalooban at pamantayan – siguradong maraming sasalungat at uusig sa atin, maging sa loob ng tahanan.  Sa pamilya, nagkakaroon ng mga pagkakahati-hati sa tuwing hindi magtugma ang prinsipyo at mga pinapahalagahan ng bawat miyembro. Lahat nag-aangkin na sila’y tama, walang gustong magparaya, walang gustong makinig.  Ang resulta katakot-takot na away na minsan nag-reresulta pa sa hiwalayan.  Sa ating lipunan ngayon, meron ding pagkakahati-hati lalo na sa ating paninindigan hinggil sa nagpapatuloy na war on drugs ng pamahalaan.  Hindi kaila sa atin na marami na ang napatay dito, kabilang na ang mga inosente na napagkamalan, naituro lamang, o pinaghihinalaan pa lamang na sangkot sa drugs.  Ang tanong?  Makatarungan ba ang nagaganap na patayan sa ating lipunan ngayon? Naaayon ba ito sa kalooban ng Diyos?  Kung tunay tayong Kristiyano na nagbabasa ng Biblia, alam nating labag sa sampung utos ng Diyos ang pagpatay, kahit pa mabuti ang hangarin na linisin ang ating bansa sa droga.  Sa halip na patayin, bigyan ng pagkakataong magbago ang taong nagkasala.  Totoong nagkakahati-hati tayo sa usaping ito.  Mga kapatid, nasa atin ang pagpapasya.  Maninindigan ba tayo para sa Diyos? o para sa kanyang kalaban na nag-aanyong mabuti? Isang malaking hamon ito sa atin na maging mapanuri.  Sa kabila ng mga pagsalungat at pagkakahati-hati, patuloy tayong kumapit sa turo ng Panginoon.  Dahil hindi tayo maaaring magkamali kapag sinunod natin ang Kanyang utos. Oo, makararanas tayo ng mga pagsalungat, pero ang Panginoon mismo ang magtatanggol sa’tin.  At sa kahuli-hulihang sandali ng ating buhay, aanihin natin ang gantimpalang mula sa Diyos.