Ebanghelyo: LUCAS 13,1-9
Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Hesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Hesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyan kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, ngunit kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Hesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta s’ya upang maghanap ng mga bunga subalit wala s’yang nakita. Kaya sinabi n’ya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo ‘yan at pampasikip lamang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na s’ya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga s’ya, ngunit kung hindi’y saka mo s’ya putulin.’”
Isinulat po ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. Ano ang pinakamasaklap na trahedyang naranasan mo? Paano mo ito hinarap? Naniniwala ka rin ba na parusa ito ng Diyos dahil sa hindi pagsunod sa Kanyang kalooban?
Normal na bahagi ng buhay ang mga sakuna at trahedya. Sa tuwing nararanasan ito ng ibang tao, huwag nating isipin na sinapit nila ito dahil sa ginawa nila. Lalong hindi natin dapat isipin na kagagawan ito ng Diyos. Kaya naman sinasabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ang mga taga-Galilea na ipinapatay ni Pilato habang sila’y nasa templo at ang labingwalong nabagsakan ng tore sa Siloe, ay hindi ang mga pinaka-makasalanang tao. Mga biktima lamang sila ng isang malagim na trahedya. Ipinapahiwatig din ng Panginoon na ang bawat pangyayari sa buhay natin – mabuti man ito o masama – ay may kasamang mabuting aral. Isa rin itong magandang pagkakataon para magbalik-loob tayo sa Diyos. Sa madaling sabi, tiyak na kapahamakan ang mararanasan ng taong hindi magsisisi sa kanyang mga kasalanan. At tiyak na kaligtasan naman ang naghihintay sa taong buong-pusong nagbabalik-loob sa Diyos. Sapagkat, “Magkakaroon din ng higit na kagalakan sa Langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na ‘di nangangailangan ng pagsisisi. (Lc. 15:7) Amen.