Daughters of Saint Paul

Oktubre 27, 2016 HUWEBES Ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon / San Frumencio

Lk 13:31-35

Dumating ang ilang Pariseo at binalaan si Jesus: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kang ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Jesus: “Puntahan n’yo ang musang na ‘yon at sabihin sa kanya: Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko. Ngunit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.

            “Jerusalem, Jerusalem! Pinatay mo ang mga propeta at binato ang mga sinugo sa  iyo.  Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw pero tumanggi ka nga.  Ngayon, maiiwan sa inyo ang inyong bahay.  Sinasabi ko nga sa inyo na hindi n’yo na ako makikita hanggang di sumapit ang panahon na sasabihin n’yong 'Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.'”

PAGNINILAY

Kapansin-pansin na marami sa ating mga kababayan ang umaalis ng bansa upang makipagsapalaran sa buhay. Karamihan sa kanila, mga guro, inhinyero, doktor, nars, siyentista, alagad ng sining at iba pang may angking galing sa iba’t-ibang larangan. Maituturing natin silang mga bagong bayani dahil sa sakripisyong kanilang iniaalay para sa kanilang mga mahal sa buhay at sa bayan. Pero naitanong o napagnilayan na ba natin sa ating sarili ang totoong dahilan ng kanilang paglisan?  Kung tutuusin, maari naman nilang ipamalas ang kanilang angking galing at husay para sa ikauunlad ng ating komunidad.  Bakit kailangan pa silang umalis?  Isa sa maaaring dahilan, ang di natin pagpansin at pagsasawalang kibo sa mga yamang tao ng bayan.  Tulad ng Ebanghelyong narinig natin sa araw na ito.  Si Jesus man din, nakaranas ng hindi magandang pagtrato sa sarili Niyang bayan.  Ang mga mabuti at kahanga-hangang gawa ni Jesus, para sa mata ng mga Pariseo, isang hindi kanais-nais na gawain.  Kahit ang mga apostoles, hindi nakatakas sa mga pang-iinsulto ng mga tao at mismo ang kanilang hari na si Herodes, nais silang ipapatay.  Mga kapatid, maraming pagkakataon sa ating buhay na nagiging Pariseo at Herodes din tayo.  Lalo na kung paiiralin natin ang inggit, at pilit na hatakin pababa at sirain ang reputasyon ng taong ating kina-iingitan.  Sa halip na matuwa sa kanilang tagumpay, tinuturing natin silang kalaban at banta sa ating propesyon o trabaho.  Hinahamon tayo ng ebanghelyo ngayon na sa halip na mainggit sa galing at tagumpay ng iba, matuto tayong makisaya sa kanilang tagumpay; pagtuunang pansin kung gaano tayo ka-blessed ng Panginoon sa natatanging  paraan; at pasalamatan Siya sa kaloob Niyang biyaya at pagpapala sa atin.