LUCAS 12:54-59
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita n’yong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad n’yong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi n’yong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan n’yo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit pero bakit hindi n’yo sinusuri kung ano ang panahong ito? At ba’t hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-huling sentimo.”
PAGNINILAY
Mga kapanalig, alam kaagad ng taong malapit sa kalikasan kung ano ang magiging panahon. Magaling ang mga Judio dito dahil nakatira sila sa lupain kung saan paiba-iba ang klima: tag-init at taglamig, ulan at hangin. At alam nila kung ano ang gagawin sa hamon ng bawat klima. Pero mahina sila sa mga tanda ng panahon. Hindi lamang sila bigo na makilala ang mga Propetang isinugo ng Diyos sa kanila, bulag rin sila sa katotohanang ngayo’y isinugo na sa kanila ang Anak ng Diyos upang sila’y anyayahang magsisi. Kaya nga sinabi ng Panginoon, “Mga mapagkunwari!” Nabibigyan n’yo ng kahulugan ang anyo ng lupa at langit pero hindi n’yo sinusuri kung ano ang panahong ito? Ito rin marahil ang panawagan sa’tin ng Panginoon. Ano na nga ba ang nangyayari sa mundo at sa ating bansa sa panahon natin ngayon? Laganap ang terorismo sa sa iba’t ibang panig ng mundo; inuusig at pinapatay ang mga kristiyano ng mga fundamentalistang ISIS, maraming naghihirap na refugees dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa gitnang silangan, sa Marawi at sa Venezuela, sa Pilipinas na nag-iisang Kristyanong bansa sa Asya, naging talamak na ang patayan dahil sa war on drugs ng pamahalaan, at napakalalakas na bagyo, lindol tsunami, hurricane ang ating nararanasan. Ano kaya ang mensaheng nais ipahiwatig sa atin ng Diyos sa mga kaganapang ito? Mga kapatid, marahil babala ito sa’tin ng Diyos na pagsisihan ang mga kasalanan, baguhin ang sarili at magbalik-loob sa Kanya. Maging laging handa sa Kanyang pagdating. Dahil tunay na hindi natin nalalaman ang oras, ni araw kung kailan mangyayari ang mga nakakasindak na pangyayaring ito. Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng karunungang suriin ang mga kaganapan sa kasalukuyang panahon. Mapagtuunan ko nawa ng panahon ang pagkamit ng espiritwal na yaman dahil ito ang tunay na mahalaga, ang magdadala sa akin sa buhay na walang-hanggan. Amen.