Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 27, 2023 – BIYERNES SA IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Purihin ang mapagmahal nating Diyos sa patuloy na pagpapaalala sa atin na maging maalam tayo, hindi lang sa pabago-bagong kilos ng kalikasan, kundi maging ang mga kaganapan sa kasalukuyang panahon.  Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labindalawa, talata limampu’t apat hanggang limampu’t siyam.

EBANGHELYO: Lk 12:54-59

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita n’yong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad n’yong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi n’yong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan n’yo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit pero bakit hindi n’yo sinusuri kung ano ang panahong ito? At ba’t hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-huling sentimo.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Marami sa atin ang mahusay mag interpret ng mga palatandaan ng panahon pero sarado naman ang puso at isipan sa mensahe na nais iparating ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita.  Minsan ang mga pangyayari sa ating buhay at ang nagaganap sa ating kapaligiran ay ginagamit ng Diyos na mga paraan upang maiparating niya sa atin ang kanyang mensahe.  Naalala ko ang kuwento ng isang lalaki na lumabas ng isang store, at nakita sa sidewalk ang isang homeless person na naghahalungkat sa trash can. Ang homeless ay may hawak na supot na ang laman ay kalahating hamburger at ilang French fries. Lumapit ang lalaki at tinanong ang homeless. “Hindi ka pa kumain?” Umiling ang homeless. Ang wika ng lalaki, “halika, sumama ka sa akin at ibibili kita ng pagkain.” Pumasok sila sa isang fastfood at ibinili ang homeless man ng mainit na pagkain. Labis-labis ang pasasalamat ng homeless person sa kabutihang loob na ipinakita ng lalaki sa kanya. Ikinuwento niya sa lalaking tumulong, ang kanyang buhay, ang pagkamatay ng kanyang kapatid, at siya naman ay may sakit na kanser at aniya hindi na rin magtatagal ang kanyang buhay. Pero sa kanyang pagkukuwento, napansin ng lalaki na walang hinanakit ang homeless, sa halip lubos-lubos ang kanyang pasasalamat, at sinabi pa niya. “Ipinagdasal kita ngayon. Dininig ng Diyos ang aking panalangin. Nagdasal ako na sana, makakain ako ng mainit na pagkain ngayon araw na ito. At ipinadala ka ng Diyos sa akin. Salamat ng marami.” Naantig ang puso ng lalaking tumulong. Sa kaibuturan ng kanyang puso, nagpapasalamat din siya sa pagkakataong ito na malaman, na hindi kung ano ang ginagawa natin ang mahalaga, kundi ang pagmamahal at pagmamalasakit na ating ibinibigay dito, ang gumagawa ng pagkakaiba.   Kadalasan, winawalang halaga natin ang mga karaniwang bagay na ginagawa natin. Pero ang pusong bukas sa mga pahiwatig ng biyaya na mula sa Diyos, ay bukas palad na tutugon sa paanyaya ng Diyos na gumawa ng mabuti sa kapwa. Nawa’y maging palatandaan din tayo ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa bawat isa. Hilingin natin sa Diyos na ipagkaloob sa atin ang biyayang ito. Amen.