Lk 6: 12-16
Umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito: si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
PAGNINILAY
Ang pagninilay natin sa araw na ito, ibinahagi ng isang seminarista ng Society of St. Paul. Aniya, lumaki ako sa palengke, sa pagawaan ng relo, at pagbebenta ng “sweepstakes”. Kapansin-pansin lagi na bago tuluyang bumili ng isang bagay halos lahat ng mga tao, pipili muna nang gusto nila – kung gulay, isda at karne ang bibilhin ‘yung mas presko; kung damit at sapatos naman iyong babagay ang sukat at kulay sa kanila; at kung pagkain naman, iyong masarap sa kanilang panlasa o kaya ng bulsa. At hindi nga lang sa mga bibilhin tayo pumipili. Pati rin sa kung anong sasakyan ang kukunin para makarating sa trabaho, kung sino ang mga kukuning trabahador o empleyado, o kung sino ang liligawan o sasagutin. Karaniwan nang pinipili ang mga sa tingin natin, tama at angkop sa atin. Sa Ebanghelyo ngayon, narinig natin na pumili si Jesus ng labindalawang alagad. Kakaiba at may tatlong katangian ang pagpiling ginawa ni Jesus sa mga apostololes, kung saan nabibilang sina San Simon at Judas Tadeo. Una, ginawa Niya ito matapos Siyang manalangin; Ikalawa parang mga “ordinaryong” tao lang at may mga kapintasan pa ang Kanyang napili, kabilang na nga roon ang magkakanulo at magtatatwa sa Kanya; at ikatlo pinili tayo ayon sa ating mga pangalan, kung sino tayo, at binigyan ng partikular na pagtawag. Mga kapatid, masasabing mas payapa ang mga pagpiling pinangungunahan ng panalangin. Hindi man lahat maging tama ang resulta ng pagpili, ang panalangin ang siyang nagbibigay lakas para harapin ang mga hindi tamang nagyayari sa buhay, tanaw ang pag-asa at dama ang pag-ibig ng Diyos Ama. Sa pagpili ng mga “ordinaryo” itinuturo din ni Jesus ang paniniwala niya sa tao, na nasa kalooban ng lahat ang kabutihan, at maaaring makagawa dito ng maraming bagay, kung ang kabutihan ngang ito ang paiiralin. Naniniwala ang Diyos sa atin, kahit sino man tayo! Ang paggawa ng mabuti, patotoo sa paniniwalang ito ng Diyos sa atin. Panginoon, salamat po sa pagpili Mo sa akin, hindi man ako karapat-dapat na maging tagasunod Mo. Gamitin Mo po ako ayon sa Iyong layunin. Amen.