Daughters of Saint Paul

Oktubre 28, 2017 Sabado sa Ika-29 na Linggo ng Taon/Kapistahan nina Apostol San Simon at San Judas Tadeo, Apostol

 

LUCAS 6:12-16

Umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito: si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.

PAGNINILAY

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan nina Apostol San Simon at San Judas Tadeo. Katulad ng ibang apostol, halos wala tayong alam tungkol sa buhay ng mga taong ito.  Mula sa Cana si Simon, at isa siyang Zealota.  Si San Judas Tadeo naman, anak ni Santiago.  Ayon sa tradisyon si Simon nagtungo sa Ehipto, samantalang si Judas Tadeo, pumunta naman sa Mesopotamia.  Bahagi pa rin ng tradisyon ang nagsasabi na sa kahuli-hulihan ng kanilang buhay, nagkasama sila sa bandang Iran kung saan sabay silang namatay bilang martir.  Mga kapatid, kahit wala tayong nalalaman sa personal na talambuhay nina Apostol Simon at Judas Tadeo, marami tayong alam tungkol sa kanilang misyon bilang mga apostol.  Isang napakayamang misyong, nagbibigay ng kapaki-pakinabang na aral para sa’tin. Hindi man nakilala sina San Simon at San Judas Tadeo sa kanilang sariling pagkatao, pero ang kanilang misyon bilang mga apostoles nagsilbing pundasyon ng Simbahang itinatag ni Kristo.  Nawala sila; nakilala si Kristo; lumaganap ang Simbahan.    Sa Unang pagbasa ngayon, binigyang-diin ni San Pablo ang ating misyon na may kaugnayan sa misyon ng mga apostol.  Ang mga apostol at propeta ang pundasyon; ang Panginoong Jesus ang panulukang-bato, at tayo ang mga banal na templong itinayo.  Ang templo ng ating katawan ang tahanan ng Espiritu ng Diyos.  Kaya tayo ang banal na Templo ng Diyos.  Paalala ito na bawat isa sa atin may natatanging lugar sa gawain ng Diyos.  Hindi tayo nagtatayo ng sarili nating templo; ang Diyos ang nagtatayo ng templo.  Samakatuwid, huwag tayong mababahala kung nakikilala man tayo sa pagtupad natin ng gawain ng Diyos.  Ang mahalaga nagagampanan natin ang gawain ng Diyos ayon sa Kanyang kalooban.  Marami tayong dapat matutunan sa mga apostoles.  May matatag silang pundasyon na dapat nating panghawakan sa pagsunod sa Panginoon.  Di na mahalagang malaman ang kanilang personal na buhay, gawin na lamang natin silang huwaran nang pananampalatayang may wagas na pagmamahal at pagtatalaga sa misyon ng Panginoong Jesu-Kristo.