EBANGHELYO: LUCAS 6:12-16
Umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito: si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
PAGNINILAY:
Narinig natin sa Ebanghelyo na matapos manalangin, tinawag ng Panginoon ang mga alagad upang isugo sila bilang mga apostol. Pawang mga ordinaryong tao lamang ang labindalawa. Karamihan sa kanila mangingisda ang nakagisnang trabaho. Gayun pa man, hindi mahalaga sa Panginoon kung ano at sino pa sila – ang mahalaga ang kanilang pagnanais na sumunod, at ang kanilang agarang pagtugon sa tawag ng Panginoon. Masasabing ganito rin ang kuwento ng pagtawag kina San Simon at San Judas Tadeo. Mga ordinaryong tao lamang sila. Hindi sila kabilang sa mga dakilang pinuno o mula sa lipi ng mga maharlika. Pero dahil sa tapat nilang pagsunod sa Panginoon, kinikilala at pinararangalan natin sila ngayon. Mga kapanalig, tayo din inaanyayahan at tinatawag ng Panginoon na sumunod sa Kanya. Hindi lang ngayong araw, kundi sa pang-araw-araw nating buhay. Oo! Ikaw at ako, tayo – inaanyayahan ng Panginoon na maging tagapaghatid ng Mabuting Balita sa sangkatauhan sa pamamagitan ng ating pamumuhay. Ang araw-araw nating pagsaksi sa Mabuting Balita; ang pagsusumikap nating iayon ang buhay ayon sa turo at utos ng Panginoon; ang ating mga sakripisyo at buong pagmamahal na pagpasan ng ating krus – ang ilan lamang sa mga konkretong paraan ng pagsunod sa ating Panginoong Jesus. Makakatulong sa ating pagsunod ang araw-araw nating pakikipag-ugnay sa Kanya sa panalangin at ang pagninilay sa Kanyang Salita. Dahil palalakasin tayo nito upang laging mamuhay ng tama at maging kalugod-lugod sa ating Panginoon. Sinasabi nga na mag-ingat tayo sa paraan nang ating pamumuhay, dahil baka tayo mismo ang Bibliya na binabasa ng iba. Ibig sabihin, ang ating pagkatao, ang paraan ng ating pagsabuhay ng Salita ng Diyos, ang ating pagsaksi sa Mabuting Balita – ang pinakamabisang paraan ng pagtuturo sa iba tungkol sa Diyos. Patay ang pananampalatayang walang kaakibat na gawa. Kaya hilingin natin sa Panginoon na maisabuhay ang Kanyang Salita na araw-araw nating napakikinggan at napagninilayan.
PANALANGIN:
Panginoon, lumago nawa ako sa pagsabuhay ng Iyong Banal na salita. Maging buhay na Bibliya nawa ako na maaaring basahin ng iba. Amen.
