Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 28, 2021 – HUWEBES SA IKA–30 NA LINGGO NG TAON | Kapistahan nina Apostol San Simon at San Judas

EBANGHELYO: Lc 6:12-16

Umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang mag-uumaga na, tinawag n’ya ang mga alagad at pumili s’ya ng labindalawa sa kanila na tinawag n’yang apostol: Si Simon na pinangalanan n’yang Pedro, si Andres na kapatid nito: si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Isa sa maraming beses nating ginagawa ay ang pagpili at pagkilatis. Ipinakita sa atin ni Hesus na ang pinaka epektibong paraan ng pagpili at pagkilatis ay sa pamamagitan ng pananalangin.  Ito ang kanyang ginawa nang piliin at kilatisin niya ang kanyang magiging mga apostol. At ang mga napili niya, qualified ba? Hindi! Ang pinili Niya ay mga ordinaryong tao at makasalanan pa ang iba. Pero ginawa Niya silang extra-ordinaryong tao sa pamamagitan ng kanyang pagpili at pagtawag, pagtitiwala, pagbuo ng malalim na ugnayan, pagtuturo at pagpapahayo upang ipangaral ang mga natutunan nila mula sa Kanya. Hindi sila nagtrabaho agad. Sinimulan ni Hesus  ang pagkilala at pagbuo ng malalim na ugnayan sa kanila. Ang lahat ng mula sa Ama ay inihayag niya sa kanila. Isinama at ipinakita Niya sa kanila, kung ano ang Kanyang ginagawa at itinuturo sa mga tao – ang tungkol sa paghahari ng Diyos;  at pagkatapos, pinahayo sila upang mangaral ng kanilang mga natutunan mula kay Kristo, ang Mabuting Balita.  Ayon sa ating Santo Papa, ang pinakasentrong gawain ng Simbahan ay ebanghelisasyon. Ito ay pagbabahagi kung paano natin naranasan si Hesus sa ating buhay at paanong ang karanasang ito ay nagdala sa atin sa buhay ng pagbabago. Mga kapatid, ilagay natin ang ating mga sarili na isa sa mga apostol na tinawag ni Hesus. Tingnan natin ang ating mga sarili na isang kaibigan ni Hesus na inihahayo sa ating pamilya, sambayanan at trabaho upang ibahagi sa kanila ang karanasan natin sa Panginoon.