Lk 14:1, 7-11
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya.
May talinghaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto.
Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
PAGNINILAY
Maganda ang nais ipahiwatig ng Mabuting Balitang ating narinig! Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga pinakamataas na pinuno ng mga Pariseo sa isang piging. At napansin Niya na madalas piliin ng mga panauhin ang mga upuang pandangal o kung tawagin sa panahon natin ngayo’y ‘presidential table’. Mga kapatid, huwag nating unawain ng literal ang talinhagang nabanggit. Na kapag may mga okasyon tayong pinupuntahan, hanapin natin ang pinakaabang upuan at ‘dun tayo maupo. Upang pagdating ng kumumbida sa atin, aanyayahan niya tayong lumipat sa upuang pandangal. Huwag tayong umasa na gagawin ito ng kumumbida sa atin, baka mabigo lang tayo. Sa halip, unawain natin ang talinhaga ayon sa tunay na layunin at nais ipakahulugan ng Panginoong Jesus. Nais Niyang turuan tayo at ang mga nagmamasid sa Kanya tungkol sa kababaang-loob na dapat taglayin ng bawat isa sa atin. Sa pamamagitan ng talinhaga, pinaalalahanan tayo ng Panginoon na magpakababa at iwasan ang pagiging mayabang o mapagmataas. ‘Yun bang bilib na bilib sa sariling kakayahan na siya lamang ang magaling, tanyag at tinitingala ng maraming tao. Nais ituro ng Panginoong Jesus na kahit anu pa man ang estado o narating natin sa buhay, manatili tayong mababang-loob sa harap ng Diyos at ng ating kapwa. Dahil sa totoo lang, wala tayong magagawang mabuti kung hindi sa tulong ng Diyos at ng ating kapwa na katuwang natin upang makamit ang minimithing tagumpay. Kaya sa halip na magmayabang, maging mapagpasalamat tayo sa Diyos sa lahat ng biyaya at tagumpay na ipinagkaloob sa atin. At lagi Siyang kilalanin bilang pinagmulan ng lahat ng mga biyaya at pagpapalang tinatamasa natin ngayon. Tunay ngang ibababa ang lahat ng nagpapakataas, at itataas ang nagpapakababa. “Humility is the mother of all virtues.”