MATEO 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, hindi isang pagano ang nagtanong kay Jesus. Isa itong Pariseo, isang mananampalataya at dalubhasa sa Batas. Gayunpaman, lumapit siya kay Jesus hindi upang makatagpo ng katotohanan kundi upang subukin ito. Sa kabila ng maitim na balak ng Pariseo, matiyaga pa ring nagturo si Jesus. Batid Niya kung paanong pinahihirapan ng Anim na raan at Labintatlong (613) mga batas ang mga karaniwang tao. Puno sila ng takot na maaaring nilalabag nila ang mga utos. Tuloy, nais nilang malaman ang pinakamahalagang batas, sa pag-iingat na hindi ito malabag at masunod nila ito nang buong katapatan. Bilang tugon sa kanyang tanong, hindi nag-atubili si Jesus sa pagtukoy sa isang bahagi ng aklat ng Deuteronomio. Ito ang Shema Israel, ang panalanging kinamulatan at dinarasal ng bawat Judio sa umaga at gabi. Dinggin ninyo mga Isrealita: si Yawe lamang ang Diyos. Ibigin ninyo Siya ng buong puso, kaluluwa at lakas. Hindi nakakagulat ang tugon ni Jesus; ang nakakagulat, nang dugtungan Niya ang Kanyang sagot ng isa pang utos: Ibigin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Mga kapatid, pinag-isa ni Jesus ang dalawang utos at sinabing ito ang pinakamahalagang utos sa lahat. Iminumulat Niya ang tao sa katotohanang katumbas ng ating pag-ibig sa Diyos ang pag-ibig natin sa’ting kapwa. Ayon pa nga sa Unang sulat ni San Juan: Kung ang kapatid na iyong nakikita, hindi mo maibig, paano mo maiibig ang Diyos na hindi mo nakikita? Sa ating pang-araw-araw na buhay, paano tayo nakatutugon sa panawagang ito ng Panginoon na “Ibigin ang Diyos nang higit sa lahat, at ibigin ang kapwa gaya ng sarili?” Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng biyayang makita Kayo sa’king kapwa, at ibigin sila gaya ng pag-ibig ko sa aking sarili. Amen.