Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 29, 2021 – BIYERNES SA IKA–30 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 14:1-6

Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minanmanan naman nila siya. Nasa harap niya roon ang isang taong minamanas kaya nagtanong si Hesus sa mga guro ng batas at mga Pariseo. “Pwedi bang magpagaling sa araw ng pahinga o hindi? Hindi sila umimik kaya hinawakan ni Hesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, kung mahulog sa balon ang anak o ang baka ni isa sa inyo di bat agad nyo iniaahon kahit na araw ng pahinga? At hindi niya siya nasagot.

PAGNINILAY

Isinulat ni Bro. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Napakahirap magkasakit! Hindi biro ang mayroon kang iniindang kirot o sakit sa katawan kahit pa maliit lamang iyan. Nakaaantig ng puso ang kalagayan ng daan-daang taong nasa labas ng ospital at naghihintay na mabigyan ng silid upang sila’y mabigyan ng sapat na medical interventions, at magamot sa kanilang karamdaman, lalo na kung COVID-19. Madudurog ang puso nang kahit na sinong makakikita sa mga pasyenteng nakalatag ang karton sa pasilyo ng ospital, dahil kulang ang mga pasilidad o kaya’y higit na sa kapasidad ng ospital, dahil sa labis-labis na ang dami ng nagkakasakit. Iisa ang nais ng lahat ng may karamdaman, pati ng kanilang mga kaanak, ang gumaling sa lalong madaling panahon. Marahil ganito ang nasa puso ng taong may sakit na lumapit kay Hesus sa gitna ng isang handaan. Habang kumakain ang lahat, lumapit siya upang siya’y mapagaling. Hindi siya binigo ni Hesus at tuluyang pinagaling. Sabbath ang araw na iyon, alam nating ipinagbabawal ng batas ng mga Judio ang mga gawain sa araw ng Sabbath, kahit pa nga ang magpagaling ng may sakit. Pero malinaw ang mensahe at kilos ni Hesus, mas mahalaga ang buhay ng tao, ang tao mismo kaysa sa batas ng Sabbath. Itinutuwid ni Hesus ang ating pananaw at pagpapahalaga. Kung mahuhulog nga naman ang iyong anak o alagang hayop sa isang balon, kahit na anong oras o araw man ito, hindi ba at sasagipin natin ito? Dito walang naitugon ang mga Pariseo at mga dalubhasa ng kanilang mga batas. Madalas din nating kinahaharap ang ganitong pagkalito. Sa ating kagustuhang sundin ang mga ipinag-uutos ng batas, nalilimutan natin na ang mga panuntunan ay nilikha para sa ikabubuti ng tao. Nalilimutan natin, na ang dapat na nasa puso at isip ng bawat batas na nililikha, ay para at dahil sa kapakanan ng tao, lalo na sa kanilang mahihina, mahihirap, may karamdaman o kapansanan, para sa kanilang mga walang tinig sa lipunan. Lumapit tayo sa Diyos, diringgin Niya tayo, walang kalituhan sa puso at isip Niya. Pagmamahal at pagpapahalaga sa bawat isa sa atin ang kanyang susundin. Ito ang Batas ng Pag-ibig ng Diyos.