Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 29, 2023 – IKA-30 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-tatlumpung Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya.  Pasalamatan natin Siya sa isang linggong nagdaan, sa mga biyaya at pagpapala, at sa mga kabutihang pinahintulutan Niyang magawa natin sa tulong ng Kanyang biyaya.  Sa araw na ito, idalangin natin sa Panginoon na lumago tayo sa pagmamahal sa Kanya nang higit sa lahat, at sa kapwa gaya ng ating sarili.  Ito ang buod ng sampung utos, ang araw-araw na panawagan sa atin ng Diyos na isabuhay, hanggang sa katapusan ng ating buhay.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t dalawa, talata tatlumpu’t apat hanggang apatnapu.  

EBANGHELYO: Mt 22:34-40

Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, hindi isang pagano ang nagtanong kay Hesus.  Isa itong Pariseo, isang mananampalataya at dalubhasa sa Batas.  Gayunpaman, lumapit siya kay Hesus hindi upang makatagpo ng katotohanan, kundi upang subukin ito.  Sa kabila ng maitim na balak ng Pariseo, matiyaga pa ring nagturo si Hesus.  Batid Niya kung paanong pinahihirapan ng Anim na raan at Labintatlong (613) mga batas ang mga karaniwang tao.  Puno sila ng takot na maaaring nilalabag nila ang mga utos.  Tuloy, nais nilang malaman ang pinakamahalagang batas, sa pag-iingat na hindi ito malabag at masunod nila ito ng buong katapatan.  Bilang tugon sa kanyang tanong, hindi nag-atubili si Hesus sa pagtukoy sa isang bahagi ng aklat ng Deuteronomio.  Ito ang Shema Israel, ang panalanging kinagisnan at dinarasal ng bawat Judio sa umaga at gabi.  Dinggin ninyo mga Isrealita:  si Yawe lamang ang Diyos.  Ibigin ninyo Siya ng buong puso, kaluluwa at lakas.  Hindi nakakagulat ang tugon ni Hesus; ang nakakagulat, nang dugtungan Niya ang Kanyang sagot ng isa pang utos:  Ibigin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.  Mga kapatid, pinag-isa ni Hesus ang dalawang utos at sinabing ito ang pinakamahalagang utos sa lahat.  Iminumulat Niya ang tao sa katotohanang katumbas ng ating pag-ibig sa Diyos, ang pag-ibig natin sa’ting kapwa.  Ayon pa nga sa Unang sulat ni San Juan:  Kung ang kapatid na iyong nakikita, hindi mo maibig, paano mo maiibig ang Diyos na hindi mo nakikita?  Sa ating pang-araw-araw na buhay, paano tayo nakatutugon sa panawagang ito ng Panginoon na “Ibigin ang Diyos nang higit sa lahat, at ibigin ang kapwa gaya ng sarili?” 

PANALANGIN

Panginoon, nababatid ko po na hindi ko kayang ibigin ang aking kapwa, kung wala akong wastong pagmamahal sa aking sarili.  Puspusin Mo po ako nang Iyong pagmamahal at tulungang mahalin at patawarin ang aking sarili, nang maibahagi ko ang biyayang ito sa aking kapwa. Amen.