Daughters of Saint Paul

Oktubre 29, 2024 – Martes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo:Lucas 13,18-21

Sinabi ni Hesus: “Ano ang katulad ng Kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng Langit.” At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang Kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”

Pagninilay:

Ang kaharian ng Diyos ay katulad ng buto ng mustasa na napakaliit pero kapag itinanim ay lumalaki at lumalagong tulad ng isang puno. Katulad din ito ng lebadura na hindi na makikita kapag inihalo sa harina pero siyang nagpapaalsa nito. Kapatid/kapanalig, hindi nagsisimula ang kaharian ng Diyos sa mga bagay na magarbo, engrande, o kagila-gilalas. Sa simple, tahimik at pangkaraniwang dalaga ng Nasaret nagsimula ang Kaharian ng Diyos. Sa pagtalima ni Maria sa plano ng Diyos, isinilang si Hesus na nangaral, nagpakasakit at nabuhay muli para sa ating kaligtasan. Lumalaganap, lumalago at kumakalat sa buong mundo ang kaharian ng Diyos sa mga pusong patuloy na nakikinig at tumatanggap sa kanyang Salita. Makikita natin ito sa buhay ng mga banal at mga santo tulad ni Blessed Michael Rua. Isa siya sa mga batang lalaking nag-aral sa oratorio ni Don Bosco. Naging matalik na kaibigan siya at unang katuwang ni Don Bosco sa pagkakatatag ng order ng mga Salesians. Pagkamatay ni Bosco noong 1888, naglingkod si Michael bilang unang Rector Major ng mga Salesians. Itinaguyod niya ang espiritu ni Don Bosco at sa pamumuno niya ay dumami ang mga miyembro at lumawak ang presensiya at apostolado ng mga Salesians sa buong mundo.

Panalangin:

Panginoon, tulungan mo kaming sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit, at magsikap kaming itaguyod ang kaharian mo nang may pananalig at pagpapakumbaba. Amen.