Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 3, 2019 – HUWEBES SA IKA-26 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 10:1-12

Humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito ang inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang Kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.”

PAGNINILAY:

May limang punto akong nais bigyang pansin mula sa ebanghelyo ngayon. Una, kailangan pala tayo ng Panginoong Jesus upang higit na maipangalat ang Mabuting Balita. Handa ka bang tumugon? Pangalawa, kailangan nating magdasal upang dumami pa ang tumugon sa tawag ng Diyos na maglingkod sa Kanya nang lubos, lalo na sa bokasyon ng pagiging pari, madre at misyonero. Pangatlo, kailangan may matibay na pananampalataya sa Diyos ang sinumang nais sumunod sa Panginoong Jesus, dahil hindi lahat ng tao ay bukas sa pagtanggap sa Mabuting Balita. Pang-apat, nais ng Panginoong Jesus na bigyan ng higit na pagpapahalaga ang misyon kaya iwasan ang anumang bagay na maaaring makasagabal dito. At ang panghuli, magtiwala sa Diyos na di nya tayo pababayaan kailanman.  (Sr. Lou Ranara, fsp)