EBANGHELYO: Mk 10:2-16
Nagtungo si Jesus sa kabilang ibayo ng Jordan at muli niya silang tinuruan gaya ng dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto s’yang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Itinanong naman ni Jesus: “Ano ang iniutos ni Moises?” At sinabi nila: “Ipinahihintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya isinulat niya ang kasulatang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magiging iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghihiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpapaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakiapid din siya.” May nagdala kay Jesus ng mga bata para hipuin niya sila, ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. At pagkakita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang pigilan, sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo, hindi papasok sa kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” At pagkakalong sa kanila ni Jesus, ipinatong niya sa kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Cris Cellan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Nakalulungkot isipin na sa panahon ngayon kapag pinag-uusapan ang pag-ibig o maging ang pag-iisang dibdib ng mga Kristyano madalas itong tinatalakay sa mga pormal na pamamaraan. Madalas pa nga na nalilimitahan ang pag-ibig sa nararamdamang init ng kalooban o maging sa pisikal na pagkaakit. Itinuturo sa atin ng karanasan, na hindi lamang feeling o emosyon ang pag-ibig. Kundi isa itong desisyon o pagpapasya; isang pagpili na manatiling tapat at nagtataya sa sinumpaang pangako bawat araw – isang kasunduan na tatagal panghabambuhay. Higit sa lahat, isa itong sakramento na tumatawag sa ating magpaka-banal. Mga kapatid, kahit anupaman ang mga pagsubok na dumating sa pag-ibig, kasal at pamilya, panghawakan natin ang pangako ng Diyos na naririyan siya kasama natin. Tulad nang naroon si Hesus at tumulong sa kasalan sa Cana, tiyak na naririyan din Siya sa panahong sugatan ang ating puso o maging kung umaapaw ito sa kagalakan. Sa ating pagtanggap sa kanya sa Banal na Eukaristiya, hindi lamang siya papasok at dadaan sa ating mga katawan, bagkus mananatili siya sa ating puso at kaluluwa.