Daughters of Saint Paul

Oktubre 31, 2017 Martes sa Ika-30 na Linggo ng Taon

MATEO 13:18-21

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Makinig kayo ngayon sa talinghaga ng maghahasik. Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan. Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod. Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ng salita. Ang buto namang nahasik sa matatabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”

                    

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyo ngayon, dalawang maikling talinhaga ang binigay sa’tin ni Jesus – ang kuwento tungkol sa buto ng mustasa at ng lebadura. Isang bagay ang nakakatawag pansin sa dalawang talinhagang ito, ang pagbibigay-diin sa pagiging maliit at tago.  Sa totoo lang mahirap makita ang buto ng mustasa, maging ang lebadura.  Pero mula sa kanilang pagiging maliit na halos di makita – kapag itinanim o hinalo sa masa ng harina – hindi mo maubos maisip ang masaganang bagong nilikhang bunga nito. Ang buto ng mustasa lumaki, at naging parang puno na nagsilbing silungan ng mga ibon, samantalang ang lebadura nagpaalsa sa buong masa. Sa pamamagitan ng talinhagang ito, ibinunyag sa’tin ni Jesus ang Kaharian ng Langit.  Mga kapatid, nais ipabatid sa’tin ng Ebanghelyo na ang Paghahari ng Diyos, hindi masusukat ayon sa limitadong pamantayan ng tao dahil iba ang pamantayan ng Diyos.  Tulad ito ng isang butil ng mustasa, pero may kakayahan itong lumago.  Ang Simbahan, itinatag ni Jesus mula sa isang maliit na grupo ng mga alagad, pero ito ngayon laganap na, at patuloy na lumalaganap pa.  Mula sa kaabahan ng mga alagad, na pawang mga mangingisda at walang pinag-aralan – ngayon, mga may pinag-aralan at wala, sumusunod sa mga yapak ng mga alagad.  Ang Mabuting Balita ng Panginoon na noo’y sa mga Israelita lamang ipinahayag, ngayo’y sa apat na sulok ng daigdig inihahayag.  Katulad ng lebadurang inihahalo sa harina sa paggawa ng masa, ang paghahari ng Diyos, may kakayahang baguhin ang anumang nahihipo nito mula sa pagiging maliit at walang halaga patungo sa isang makabuluhang pag-iral.  Paalala ito sa atin, na ang pagtatanim natin ng mabubuting gawa sa kapwa, at araw-araw na pagsusumikap na mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos – parang buto ng mustasa at lebadura rin – na hindi kaagad natin nakikita ang resulta.  Pero ilan bang taong ating tinulungan ang nahikayat din tumulong sa iba tanda ng kanilang pasasalamat sa Diyos at sa’tin din na nagmagandang-loob. Panginoon, gawin Mo po akong instrumento sa pagpapalaganap ng Iyong Kaharian.  Amen.