EBANGHELYO: Mk 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong nating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas.’ At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa sa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Cris Cellan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Love in action! Pag-ibig na kumikilos! Ito ang mensaheng nais ituro ni Hesus sa atin sa Ebanghelyo ngayon: “Mahalin mo ang iyong Panginoon at Diyos ng buo mong puso, ng buong kaluluwa, at ng buong lakas, at ng buo mong isip” (Mk 12:30) “At ang iyong kapwa” (Mk 12: 28-34). Ang pag-ibig na iminumungkahi ni Kristo dito ay isang mas tuwirang pagkilos ng kalooban na handang isuko ang pansariling iteres para sa pangangailangan at kapakanan ng iba. Ito ang klase ng pag-ibig na malaya sa pagtantiya ng anumang kalalabasang resulta o benepisyong pansarili. Hindi ito naghahanap ng kapalit. Si Kristo mismo ang nagpakita ng ganitong anyo ng pag-ibig sa kanyang mga ginawa. Lalo’t higit noong siya’y nakapako sa Krus at nasa bingit ng kamatayan, nagawa pa niyang ipagdasal ang mga taong nagpapatay sa kanya. Mga kapatid, napaka-mahal at mahirap ang hinihingi sa atin ng Kristiyanong pag-ibig. Sadyang mahirap unahin ang iba higit sa iyong sarili. Pero, binibigyan tayo ng pagkakataong tumugon sa panawagan ito araw-araw. Lahat tayo ay makahahanap ng dahilan kung bakit may mga taong hindi kaarapat-dapat sa ating pagmamahal. Sa ganitong pagkakataon, dapat nating alalahanin na tayo din ay hindi karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos, pero minahal pa rin niya tayo. Tulungan nawa tayo ng Diyos na laging piliing mahalin Siya at ganap na paglingkuran ang ating kapwa kahit ano pa ang halaga nito.