Ebanghelyo: Lc 13:31-35
Dumating ang ilang Pariseo at binalaan si Jesus: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kasing ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Jesus: “Puntahan n’yo ang musang na ‘yon at sabihin sa kanya: ‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko. Ngunit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang Mga Propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw pero tumanggi ka nga. Ngayon, maiiwan sa inyo ang inyong bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi n’yo na ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin n’yong ‘Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Tess Espina ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.
Ipinapakita ng sagot ni Hesus na wala siyang intensyong ihinto ang kanyang gawain dahil sa banta ng isang mayaman at makapangyarihan. Nakatuon siya sa kanyang misyon na magbigay ng pag-asa sa nawawalan ng pag-asa, pagalingin ang mga maysakit, at palayain ang mga inaalihan ng masasamang espiritu. Maraming misyonero dito sa ating bayan at sa ibang bansa ang nag-alay na ng kanilang buhay sa paglaban sa mga mapanira at makasalanang istruktura at sistema sa gobyerno. Itinuwid nila ang mga hindi-makatarungang palakad na nagpapahirap sa mga tao, lalo na sa mga dukha. Hindi naman nabalewala ang kanilang buhay dahil marami ang sumunod sa kanila, at nagpatuloy ng kanilang layunin. Hinahamon tayo ng Mabuting Balita na ipagpatuloy ang misyon ni Jesus, nang may pusong puno ng habag. Isang habag na hindi matitinag sa gitna ng karahasan at kawalang-katarungan. Patuloy ang mga panaghoy ni Jesus. Umiiyak at nagdadalamhati siya sa Jerusalem, isang lungsod na pumapatay ng mga propeta. Nais niyang tipunin sila tulad ng isang inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak. Nawa’y maging katulad tayo ni Hesus na puno ng pag-ibig at habag. Sapagkat ang pag-ibig lang niya ang nagpapahina sa karahasan, buong tapang na humaharap sa nakakatakot, at hindi nakikinig sa mga banta ng mga makapangyarihan.