Daughters of Saint Paul

Oktubre 4, 2016 MARTES Ika-27 na Linggo ng Karaniwang Panahon / San Fancisco de Asis, relihiyoso

Lk 10:38-42

Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta.  May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria.  Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita.  Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa?  Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako."
Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan.  Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

REFLECTION

Mga kapatid, praktikal at napapanahon ang panawagan ng Mabuting Balitang ating narinig lalo na sa ating mga workaholic at subsob magtrabaho at nawawalan na ng panahon para magdasal.  Sa Ebanghelyong ating narinig tila pinapaboran ng Panginoon si Maria dahil naupo ito sa paanan Niya para makinig sa kanyang salita.   Samantalang pinuna naman Niya ang sobrang pagka-abala ni Marta sa mga panlabas na paghahanda.  Kung pagninilayan nating mabuti ang pinagkaiba nila – masasabi nating pareho silang may kulang. Sa praktikal na pananaw masasabi nating kung puro na lang pakikinig at pagdarasal sa Diyos ang ating gagawin, pero hindi natin ito sasamahan ng gawa – wala ding mangyayari sa ating dasal.  Kung meron mang sagot sa ating panalangin hindi ito ganoon kabuo kung hindi natin sasamahan ng gawa.  Sa kabilang banda naman, kung katakot-takot na panahon ang ginugugol natin sa paggawa pero malayo naman tayo sa Panginoon – matapos at magbunga man ito, hindi pa rin ito ganuon kabuo, katulad ng isang gawang isinasapuso at may kasamang dasal.  Sabi nga sa sulat ni St. James “Faith without work is useless.” Samakatuwid mga kapatid, mas makabubuting balansehin natin ang dasal at gawa para sa isang mabunga at mas makahulugang pagsasabuhay sa turo ng ating Panginoong Diyos.  Alam naman natin kung saan tayo nagkukulang sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos – sa dasal ba o sa gawa? Hindi natin maaring paghiwalayin ang dalawang ito – dahil kung tunay na may maganda tayong ugnayan sa Diyos – dapat makita ito sa’ting buhay lalo na sa pagsakatuparan ng ating mga gawain.  Manalangin tayo.  Panginoon, mapuspos nawa ako ng Iyong banal na Espiritu nang dumaloy sa aking gawain ang bunga ng aking panalangin. Amen.