EBANGHELYO: LUCAS 10:13-16
Sinabi ni Jesus: ‘Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal n asana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa sa inyo sa araw ng paghatol. At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang Langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno! Ako ang dinidinig ng nakikinig sa inyo at ako ang hindi tinatanggap ng hindi tumatanggap sa inyo. At ang hindi tumatanggap sa akin ay hindi tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
PAGNINILAY:
Napakingan natin sa ebanghelyo na pinagwikaan ni Jesus ang mga bayan o lungsod ng Bethsaida, Corazin at Capernaum. Nabigo ang mga bayang ito na suklian ang kabutihan ni Jesus. Sa halip na magsisi, nagpabaya at tinanggihan ng mga tao si Jesus. Samakatuwid, ang kanilang biyaya ay naging sumpa. Kung ang pabor ng Diyos ay hindi kinikilala at tinutugunan, naging isang salot ang mga ito sa kanila. Kung mas malaki ang mga pagpapala na natanggap at hindi tinugunan, mas malaki ang magiging pagkahulog. Mga kapanalig, bilang kasapi ng katawan ng Panginoong Jesus, tayong lahat ay nakikibahagi sa tawag na “maipangalat ang kaharian ng Diyos sa buong mundo”.Ang bawat isa sa atin ay may partikular na misyon: sa ating pamilya, sa lugar na ating pinagtatrabahuhan, sa ating kapwa. Ang kapalaran ng mga taong kasama natin na nagtatrabaho ay napakahalaga sa Diyos. Upang mabigyan tayo ng kakayahang maisakatuparan ang misyong ito, inaanyayahan tayo ng Panginoong Jesus na makibahagi sa kanyang buhay – sa pamamagitan ng panalangin, sa pagninilay ng kanyang salita, at ang kanyang presensya sa Eukaristiya. Kapanalig,may kilala ka bang malayo sa Panginoon? Hindi pa huli ang lahat para sa kanila. Ipagdasal mo ang mga naliligaw ng landas. Ilapit mo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng iyong pagdarasal. Kung sa palagay mo ay tinawag ka ng Diyos upang sumaksi sa kanila, gawin ito sa tunay na diwa ng pag-ibig at pagkahabag. Ipakita sa kanila na ang Salita ng Diyos ay pinaka makapangyarihan sa lahat. Amen. (Fr. Tony Atole, ssp)