EBANGHELYO: Lc 10:25-37
May tumindig na isang guro nang Batas upang subukin si Jesus. “Guro, ano ang aking gagawin upang makamit ang buhay na walang hanggan?” “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Ngunit gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Ngunit may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa kanyang sariling hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbabalik ko.’” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin mo.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Sino ang ating kapitbahay? Tinuturuan tayo ng kuwento ng mabuting Samaritano na sinumang nangangailangan ng ating tulong ay ating kapitbahay. Hindi kailangan ang boundary; kahit saan, kahit sino na kayang abutin ng pagdamay natin ay kapitbahay kung tawagin. May tatlong katangian ang isang mabuting kapitbahay: Una, Mahabagin o Compassionate; Pangalawa: Mapagbigay o Generous; at Pangatlo: Nagbibigay kahit hindi hinihingian at hindi naghihintay ng kapalit o Gratuitous. Mga kapatid, nakita natin ang tatlong katangiang ito sa mabuting Samaritano: nahabag, nagbigay ng panahon at pera at higit sa lahat hindi naghintay ng kapalit. Sana ganito din tayong lahat. Sana all ng nagsasabing sumusunod siya kay Kristo ay ganito tumulong sa kapwa!
PANALANGIN
Hesus na Mabuting Samaritano ng sanlibutan, turuan mo kaming maging katulad mo sa kabutihan sa aming kapwa. Amen